Abante Tonite Interactive

SONA kaabang-abang

297

Kaabang-abang ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 22.

Ito ay dahil sa hindi matapos-tapos na intriga sa Speakership sa kabila ng pagkakapili na ng Pangulo ng pambato ng kanilang partido.

Sa kabila ng hindi mamatay-matay na isyu ay hangad na­ting matapos na ito upang ang nilalaman ng pa rin ng SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang maging tampok dahil ito naman talaga ang dapat nating pagtuunan ng pansin.

Hindi naman kaila sa atin na naantala ng ilang oras ang SONA ng Pangulo noong nakaraang taon dahil kinudeta ng mga mambabatas si dating House Speaker Pantaleon Alvarez kapalit ni dating Pangulong Gloria Arroyo.

Mabuti naman at natapos na ang gusot sa hosting ng ‘Pinas sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na diumano’y nababalutan ng korapsyon.

Kasunod ng pagtatapos sa intriga ay kinumpirma ng Phi­lippine Sports Commission (PSC) na pangangasiwaan ng PHISGOC ang paghahanda sa gaganapin na biennial meet.

Isang pulong ang ginanap kung saan ay itinanggi nina Taguig Rep. Alan Peter Ca­yetano at PSC chairman William Ramirez ang alegasyon ng korapsyon.

Kasama sina Senador Bong Go at Executive Secretary Salvador Medialdea sa isang pulong ay nabasura ang alegasyong may korap­syon sa gagawing hosting ng ‘Pinas sa SEA Games kaya muntikan umanong ipabuwag ang PHISGOC ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matapos maplantsa ang isyung korap­syon ay nagkasundo ang mga bumubuo ng samahan na magkaisa sa ilalim ng isang liderato.
Ang PHISGOC ang mangunguna sa preparasyon sa regional event sa Nobyembre ngunit lumutang kamakailan ang mga report ng hinihinalang korapsyon sa pribadong organisayon.

Ilan sa ibinabatong isyu sa PHISGOC ay ang pagpasok diumano sa mga kahina-hinalang transaksyon, gaya ng overpriced training uniforms.

Tama lamang na matapos na ang gusot na ito para maka-focus na sa training at nang sa gayun ay makasungkit ang bansa ng mas maraming medalya.

Patunayan dapat ng mga opisyal ng PHISGOC na walang katotohanan ang alegasyong korapsyon dahil tiyak na may kalalagyan kayo sa Pangulo.