Abante Tonite Interactive

SONA ni Duterte exciting

3,002

Inaabangan na ng lahat ang magiging laman ng talumpati sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa Lunes.

Interesado ang sambayanan na marinig kung ano ang bago sa mga sasabihin ng Presidente, kung ano ang mga susunod na plano para sa bansa at kung gaano katagal ang magiging talumpati nito.

Bagama’t nasabi na ni Pangulong Duterte sa kanyang huling cabinet meeting na posibleng 30-35 minutes lamang ang itatagal ng kanyang talumpati, hindi pa rin ina­alis ang posibilidad na hahaba pa ito dahil kilala ang Presidente sa kanyang mga ad lib at mga litanyang nagpapahaba sa kanyang pagsasalita.

Para naman sa mga opisyal ng Malacañang, aasahang babanggitin ni Pangulong Duterte ang mga natupad nitong pa­ngako noong panahon ng kampanya gaya ng libreng edukasyon, ang kampanya sa illegal na droga at kampanya kontra katiwalian.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) secretary Martin Andanar, aasahang isa sa magiging tampok sa SONA ng Pa­ngulo ay ang kakalusot pa lamang na Bangsa­moro Organic Law (BOL), na matagal na hinintay ng mga taga-Mindanao.

“Iyon po ang sinabi ni Presidente, na hindi siya sosobra sa 35 minutes. But everything remains to be seen, kasi alam naman natin si Presidente ay… ‘pag nagsalita ay mula sa kasing-kasing, mula sa kaniyang puso. Kapag ginanahan siya. So I guess… I guess, what makes it more exciting really is iyong kakapirma lang na BBL. Iyon po ay highlight for this week, front pages itong balita na ito at inaasahan din natin na mayroon pang mga sasabihin si Presidente na patungkol sa plano niya sa susunod na mga buwan,” ani Andanar.

Sa aspetong teknikal, inaabangan ang magi­ging obra-maestra ni film Director Joyce Bernal na siyang magiging direktor sa ikatlong SONA ng Presidente kaya tiyak umanong ilalabas nito ang kanyang pagi­ging malikhain sa pamama­gitan ng mga magiging anggulong kuha sa Pre­sidente.

Sinabi naman ni Special Asssitant to the Pre­sident Bong Go na siyang palaging kasama ng ­Pa­ngulo, nasa 20 pahina ang talumpati ng ­Presidente at inaasahang tatalakayin nito ang kanyang political will at gustong gawin, at kung ano ang mga plano nito sa bansa.