Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sotto: Ivermectin biglang taas-presyo

0 382

Nanggigigil si Senate President Vicente `Tito’ Sotto III sa ilang “walanghiya” na tinaasan ang presyo ng anti-parasitic drug Ivermection matapos na maging kontrobersiyal ito bilang gamot laban sa COVID-19.

“Merong nagwawalanghiya eh. `Pag nahuli ko `yon babatukan ko `yon. P35 lang isang capsule, binebenta P250. Kaya `yong ibang kompanya naiinis dun kasi mura,” ani Sotto sa panayam sa radyo nitong Sabado.

Kasabay nito, ibinunyag ni Sotto na umiinom din siya ng Ivermectin upang protektahan ang sarili laban sa COVID-19.

“Ako umiinom din ako. [For] prevention. Once every two weeks,” sabi ni Sotto.

Kaya nanawagan ito sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na aprubahan ang paggamit ng Ivermectin bilang gamot para iwas-hawa sa coronavirus.

Ani Sotto, may mga kilala siyang nagpositibo na nawala ang mga sintomas at nagnegatibo sa virus matapos uminom ng Ivermectin.

“Walang pakialam ang FDA (Food and Drug Administration) kung ano gusto kong ilagay ko sa katawan ko,” sabi pa ni Sotto. Hinamon pa nito ang FDA na sampahan siya ng kaso kung nais ng ahensiya dahil sa pag-amin niya na gumagamit ng Ivermectin.

“Oo dito galing for human consumption,” lahad pa ni Sotto nang tanungin kung nasa Pilipinas na ang iniinom niyang Ivermectin.

Giit pa ng senador, sinisiraan lamang ng mga kritiko at ibang pharmaceutical company ang Ivermectin dahil mas mura ito kumpara sa ibang produkto.

Sa ngayon ay dalawang ospital sa bansa ang pinayagan ng FDA na gumamit ng Ivermectin sa mga pasyenteng may COVID-19. (Issa Santiago)

Leave A Reply

Your email address will not be published.