Abante Tonite Interactive

Sotto kay Albano: Mali ka!

147

Sinupalpal ni Sen. Vicente ‘Tito’ Sotto III si Isabela Rep. Rodito Albano sa paninindigan nitong puwedeng magsugal sa casino ang mga kongresista.

Ayon kay Sotto, chairman ng senate committee on ethics, mali ang posisyon ni Albano na dahil sa inihalal sila sa kanilang distrito ay puwede na silang maglaro sa mga casino sa bansa.

“Mali! Public officials are not allowed to play in casinos whether appointed or elected,” diin ng senador sa ipinadalang text message.

Sa hearing ng Kamara tungkol sa pag-atake sa Resorts World Manila kamakailan, nadulas si Albano nang sabihin nitong noong pumasok siya sa casino ay hindi siya siningil ng P100 entrance fee.

Sinabihan tuloy siya ni PAGCOR chair Andrea Domingo na bawal maglaro sa casino ang mga kongresista.

Subalit ayon kay Albano, hindi lang siya kundi mayroon pang ibang kongresista ang nagsusugal sa casino sa bansa.