Abante Tonite Interactive

Sotto: Senate minority dadami sa palit-liderato

955

By Dang Samson-Garcia

Nagbabala si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na posibleng magkaroon pa ng problema sa pagsusulong ng legislative agenda ng administrasyon kung mababago ang liderato ng Senado.

Sinabi ni Sotto na maaaring dumami ang bilang ng minority bloc kung iibahin pa ang istraktura ngayon ng Senado na maituturing nang ‘friendly’ sa administrasyon.

“This is the highest approval rating mula 1987 up to present baka pag nilikot mo lumaki ang minority. Yun ang mabigat, magkamali,” sabi ni Sotto sa panayam sa radyo.

Sa ngayon anya maganda ang samahan hindi lamang ng mayorya kundi ma­ging sa mga miyembro ng minorya sa Senado at nagkakatulungan pa ang dalawang panig.

“Ang totoo nyan isang minority lang pwedeng idistroka yan. Kaya nga very cordial at very warm ang pagsasamahan namin ni Senator (Frank) Dri­lon kahit siya naman tanungin mo, hindi naman niya ikakaila,” ayon pa kay Sotto.

“One mistake may break all. Baka yung Duterte administration ang mag-suffer. Sigu­ro naiisip rin ng mga kasama namin yun. So far so good, okay ang leadership namin, yung minority cordial kami, pag nalikot baka ang last 3 years ma­ging lame duck ang administration,” dagdag pa nito.

Sinang-ayunan naman ito ni Senador ­Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na nagsabi na wala rin siyang nakikitang dahilan upang pali­tan ang liderato ng Senado.
“Supportive naman si SP Sotto sa admin. Kaming PDP-Laban 5 kami. Kailangan natin ng 13 to elect SP. Kahit na kami ang pinakamalaki, 5 lang kami at saka lahat naman kami sa nga­yon, wala ako naririnig na hindi supportive kay Sotto,” diin ni Pimen­tel.