Abante Tonite Interactive

Spa na may ‘extra service’ ni-raid

616

Ni-raid ng mga tauhan ng San Juan Police kasama si Mayor Francis Zamora ang isang massage parlor na nabuking bilang isang prostitution den sa Barangay Pedro Cruz, San Juan City, Huwebes ng gabi.

Ayon kay San Juan police chief Police Col. Jaime Santos, sinalakay nila ang Zara Wellness Spa Massage and Skin Care na nasa N. Domingo at De Tavera Street matapos ang mahigit 2 linggong surveillance makaraang makatanggap ng impormasyon kaugnay sa nagaganap na pag-aalok ng ‘extra service’ sa mga kostumer.

Sumagad naman ang galit ni Mayor Francis Zamora na kasama ang ilang media nang ipakita ni Police Col. Santos sa alkalde ang video na positibong pagbebenta ng aliw ng isang 28-anyos na massage therapist.

Nabatid na wala si Wendy Polintan­ Dolor, may-ari ng nasabing spa nang salakayin ang kinikilalang prostitution den kung saan ang nakuhang video ang gagawing katibayan laban sa may-ari at nasagip naman ang tatlong babae at isang 18-anyos na dalagita.

Ayon kay City Social Welfare and Development Officer Rocel Camagus, nasa P2,000 ang extra service na ino-offer ng mga massage therapist ng spa. (Vick Aquino)