Abante Tonite Interactive

Sparrow Unit ng NPA matagal nang wala — Albayalde

0 225

Inamin ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na matagal nang nabuwag ang Sparrow Unit, ang hit squad ng New People’s Army (NPA).

Binanggit ito ni Albayalde matapos sabihin ni Pangulong Rod­rigo Duterte nitong nagdaang araw na gusto niyang lumikha ng death squad bilang pangontra sa mga Sparrow ng NPA.

“Merong mga incidents for the past three years ay may mga kil­lings na naitala, 136…pero monitored po ‘yan at talagang matagal nang wala ang Sparrow Unit,” wika ng PNP chief sa DZBB nitong Sabado.

Naniniwala si Albayalde na kaya nasabi ng Pangulo na buhay pa ang Sparrow Unit ay dahil sa pag-atake ng NPA sa mga pulis at sundalo at sa ginawang pagmasaker sa mga magsasaka sa Sagay, Negros Occidental.

Nilinaw din nito na wala pang direktiba si Pangulong Duterte sa paglikha ng death squad.

“Nag-uusap na kami ng AFP kung talagang matutuloy po ‘yan. Kailangan namin mapag-usapan kung papaano po ang pagbuo ng grupo na ganyan kung ‘yan ay mga sundalo o PNP,” dagdag ni Albayalde.

Bagamat ideya pa lamang ito ng Pangulo, suportado naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang planong pagbuo ng death squad unit.

Tulad ng inaasahan, kinontra naman ito ng mga human rights group at oposisyon dahil magpapalala umano ito sa mga patayan sa bansa lalo pa’t tuloy pa rin ang giyera kontra sa iligal na droga.