Abante Tonite Interactive

Speaker Arroyo no-show sa PDP caucus

By
524

No-show si dating Pa­ngulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa pagtitipon ng mga pinuno ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Ba­yan (PDP-Laban) nitong Huwebes (Agosto 2) sa Lungsod ng Quezon.

Bigo si Ginang Arroyo na makadalo sa high-level caucus ng liderato ng partido ni Pangulong Rodrigo Duterte na dinaluhan ng mga bigating opisyales, kabilang si dating House Speaker Pantaleon Alvarez.

Ayon sa source ng TONITE, hindi na itinuloy ng bagong lider ng Kamara ang kanyang pagpunta sa pagtitipon dahil ito’y nataon din sa ika-50 anibersaryo ng kasal nina Arroyo at ng kanyang kabiyak na si dating Unang Ginoo Jose Miguel “Mike” Arroyo.

Ang nasabing pagtitipon na ginanap sa Seda Vertis North Hotel sa lungsod ay dinaluhan ng hindi bababa sa 20 gobernador mula sa iba’t ibang lalawigan at mahigit sa 80 mambabatas mula sa Mababang Kapulungan, na karamihan ay mga kaalyado nina Arroyo at Alvarez.

Kabilang sa mga kakampi ni Alvarez na dumalo sa pagtitipon ay sila dating Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas (Ilocos Norte), Reps. Johhny Pimentel (Surigao del Sur), Arnel Ty (LPGMA Partylist), Monsour del Rosario (Makati City) at Roger Mercado (Southern Leyte).

Ang mga dikit naman kay Arroyo na du­malo sa party caucus ay sila Reps. Karlo Alexei Nograles (Davao City), ­Alfredo ­“Albee” Benitez (Negros Occidental), Ben Evardone (Eastern Samar) at Emi Calixto (Pasay City).