Abante Tonite Interactive

Speakership Game

469

Rey Marfil

Sa susunod na buwan [July], kasabay ng ika-apat na State of the Nation Address ni President Mayor Rodrigo Duterte, pormal ding malalaman kung sino ang mapipi­ling mga bagong lider ng Senado at Kamara de Representantes, na magsusulong ng ika eh, economic agenda ng pamahalaan sa susunod na tatlong taon.

Kung mayroong ‘Quezon’s Game,’ na pelikulang tumalakay sa ginawang pagsagip ni da­ting Pangulong Manuel L. Quezon sa may 1,200 na Jewish people sa kalupitan ni Hitler noong 1930’s, mayroon namang nagaganap na ‘Speakership Game’ sa mga ikinukonsiderang ‘seryosong’ contender sa pagiging lider ng mga kongresista.

Para sa kaalaman nga pala ng iba, alam ba ninyo mga tsong na puwedeng bumisita sa Israel ang mga Pinoy nang walang visa? Bilang pagkilala iyan ng Israel sa ginawa nga ng Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ni Quezon na kanlungin ang mga Jewish people na lumikas mula sa Germany at Austria.

Katunayan, may Jewish community na payapang nananahan dito sa Pilipinas.

Balik tayo sa Speakership Game, may hanggang anim na kongresista na nagpapalutang ng pangalan na gusto nilang maging lider ng Kamara; pero ang mga itinutu­ring na ‘seryoso’ sa laban eh itong sina Reps. Lord Allan Velasco, Martin Romualdez, Alan Peter Cayetano at ang dati na ring naging Speaker na si Pantaleon Alvarez.

Para mananalong Spea­ker, kailangan ng kandidato na makuha ang boto ng nasa 150 kongresista. Sa kabuuan, kulang-kulang 300 ang mga kongresista, kasama ang mahigit 50 party-list representatives. Kaya alam na ninyo mga tsong kung gaano kalaki ang pondong napupunta sa mga mambabatas, na bukod sa kanilang sahod ay mayroon din silang alokasyon ng PDAF, na tinatawag ding ‘pork barrel’ na dapat ay para sa kanilang mga proyekto sa distrito.

Kumpara sa 24 na senador, mas binabantayan ng mga miron sa politika ang labanan sa Spea­kership dahil hanggang ngayon ay wala pang ina­anunsiyong pangalan si President Mayor Digong kung sino ang kaniyang manok sa posisyon. Sa Senado kasi, wala pa ring matunog na pangalan na gustong umagaw sa titulong Senate President na nasa lamesa ni Sen. Tito Sotto.

Pero bagaman wala pang pangalan na binabanggit ang pa­ngulo na binabasbasan niya na maging Speaker, matunog naman na tila minamanok ng mga anak niyang sina Davao City Mayor Sara at Davao City Rep. Paolo, ang kaibigan nilang si Lord Allan.

Kaya naman kaniya-kaniyang ingay ngayon ang mga aspirante sa pagpapalutang ng mga intriga at numero tungkol sa nakukuha na raw nilang suporta.

Gaya ng tirada ng kaalyado ng isang aspirante na nagsabing sapat na raw ang nakuha nilang suporta para manalo ang bata nila.

Pero kapag tinanong mo naman ang listahan para malaman kung sino-sino ang mga kongresista na nakuha nila, waley maibigay at ikakatwiran na ‘secret’ muna baka raw gapangin ng kabila.

Hindi rin nawala ang intriga ng suhulan daw na aabot sa P500,000 hanggang P1 milyon bawat kongresista para makakuha ng boto. May intriga pa na may kandidatong nangangako naman na ibabahagi niya ang kaniyang makukuhang pondo mula sa kung saan man at ibibigay niya sa mga kongresistang boboto sa kanila bilang Speaker.

Bakit nga ba nagkakandarapa sila na maging lider ng Kamara? Bukod sa ‘prestige’ ng posisyon bilang ikaapat sa pinakamataas na lider ng bansa, aba’y nasa pasya ng lider ng Kamara ang mga panukalang batas na tata­lakayin at pati na ang mga isyung iimbestigahan. Siya ang siga pagdating sa ‘budget’ dahil sa Kamara manggagaling kung magkaano ang ibibigay sa gobyerno. Sa kanila rin magsisimula ang panukalang batas sa buwis, at higit sa lahat, nasa kapangyarihan ng Kamara kung dapat patalsikin ang pangulo sa pamamagitan ng ‘impeachment.’

Pero anuman ang la­rong ginagawa ng mga aspiranteng speaker, tapos ang lahat nang ‘yan kapag nagbigay ng pangalan si President Mayor Digong kung sino ang nais niyang maging lider ng Kamara, na maaaring mangyari sa linggong ito.

Noong nakaraang SONA niya, wala siyang inanunsyong manok sa pagka-Speaker, kaya nagkagulo ang kaniyang mga kaalyado at nagbakbakan sa posisyon sina Alvarez at outgoing Speaker Gloria Arroyo. Ngayon, kailangan maging malinaw kung sino ang ‘tapat na manok’ ng Palasyo bilang Speaker para makatulog nang mahimbing si President Mayor Digong at matiyak na walang ‘articles of impeachment’ na bubulaga sa nalalabing tatlong taon ng kaniyang administrasyon. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”