Abante Tonite Interactive

Special child, pinag-shabu at halinhinang hinalay ng tatlo

413

EDISON REYES

Nang bumalik ang ginang sa kanilang tirahan ng dakong alas-10:00 nang gabi, nakaramdam ng labis na pagkabagabag si Joyce Anne nang hindi niya maabutan sa loob ng bahay ang panganay na anak na si Nenet.

Nabahala ang ginang dahil ngayon lang nangyari na hindi niya nadatnan sa loob ng bahay ang anak ng ganoong oras ng gabi at hindi rin ito namalayan ng kanyang mga hipag at anak dahil nagkakasiyahan pa ang magkakamag-anak sa idinaraos na okasyon.

Nang malaman naman ng mga tiyahin at pinsan ang pagkawala ni Nenet, nagtulong-tulong na sila sa paghahanap sa dalagitang may espesyal na pangangailangan su­balit bigo silang matagpuan ito.

Pinuntahan din ni Joyce Anne ang mga computer shop sa kanilang lugar at sa kalapit na lansa­ngan na posibleng puntahan ng kanyang anak su­balit bigo rin siyang ma­kita ang anak.

Dito na humingi ng tulong si Joyce Anne sa kanilang barangay Chairwoman na si Irene Padasas upang masuri ang kuha ng kanilang close circuit television (CCTV) camera upang alamin kung nahagip ng mga kuha nito ang kanyang anak.

Kaagad namang inutusan ng kabesa ang ope­rator ng kanilang CCTV na tulungan si Joyce Anne sa paghahanap sa nawawalang anak at dito nila natuklasan na mula sa kanilang bahay, nag­lakad ang dalagita palabas ng Moriones Street.

Gayunman, bigo na silang masundan pa kung saan gumawi si Nenet dahil wala nang CCTV na nakakabit ang barangay pagdating sa na­turang lansa­ngan kaya’t mula doon ay nagsimulang muli si Joyce Anne na hanapin ang anak.

Hindi tumigil ang ginang sa paghahanap sa nawawalang si Nenet hanggang makarating siya sa Kagitingan Street na pangalawang bloke pa mula sa kanilang lansangan sa Sto. Niño Street at dito niya nasalubong ang anak ganap na ala-una na nang madaling-araw ng Lunes, Hunyo 3.