Abante Tonite Interactive

Special child,pinag-shabu at halinhinang hinalay ng tatlo

309

PART 7

Gayunman, nang sabihin niya sa lalaking anak na si Jeonard ang plano nila ni Richard na magsama na bilang mag-asawa, may nakitang pagtutol ang ginang sa anak bagama’t sumang-ayon naman dito ang halos lahat ng partidos ng namayapang asawa, kabilang na ang kanyang biyenan na nakakaunawa sa kanyang pangangailangan ng katuwang sa buhay.

Bagama’t may basbas na ang halos lahat ng partidos ng kanyang namayapang asawa, ipinasya pa rin ni Joyce Anne na igalang ang kagustuhan ng kanyang anak kaya’t nanatili pa rin sila sa poder ng biyenan habang nilalasap nila ni Richard ang ligayang dulot ng kanilang pagmamahalan.

Mistulang bumalik sa pagkabata si Joyce Anne sa piling ng bago niyang pag-ibig dahil sa ligayang nararamdaman sa piling ni Richard.

Sa panayam ng TUGIS sa ginang, inamin niya na gusto nila ni Richard na magbunga na ang kanilang pagmamahalan lalo na’t may kakayahan pa naman siyang magdalang-tao sa edad na 37 na sinang-ayunan din ng kanyang mga hipag.

Noong Hunyo 2, 2019, araw ng Linggo, nagkaroon ng kaunting salo-salo sa bahay na tinutuluyan ni Joyce Anne dahil dito idinaos ang selebrasyon ng kaarawan ng isa sa pamangkin ng kanyang namayapang asawa.

Umabot nang gabi ang selebrasyon dahil nagkayayaan pang uminom ng alak ang mga magkakamag-anak kaya’t walang nakakapansin sa anak ni Joyce Anne na si Nenet na nakalabas pala ng bahay.

Nagkataon naman na umalis din si Joyce Anne dahil sinamahan ang kanyang hipag sa pagtungo sa Mary Johnston Hospital upang puntahan ang kanyang biyenan na naratay sa banig ng karamdaman sa naturang pagamutan.