Abante Tonite Interactive

Special draft sa mga nasa Gilas – Marcial

363

Para sa bayan.

‘Yan ang tinumbok ng PBA Board nang magkasundong magkaroon ng special draft para sa limang aspirants na napipisil ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na isahog sa Gilas training pool.

Pinili ng SBP ang limang sina Allyn Bulanadi, Isaac Go, kambal na Matt at Mike Nieto at si Rey Suerte. Kasama ang mga nabanggit sa pool na ihahanda para sa 2023 FIBA World Cup na iho-host ng bansa.

Base sa napag-usapan sa meeting nitong Lunes, sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial na nagkasundo ang Board at SBP na ipa-pattern din ang special draft sa regular drafting order.

Unang pipili ang Columbian, sunod ang ­Blackwater, NLEX, Alaska at Rain or Shine.

Mananatili sa teams ang rights sa mapipili nilang player hanggang i-release ng SBP ang mga ito.

Mauuna ang special draft bago ang 2019 Rookie Draft sa Linggo, Disyembre 8, sa Robinsons Place-Manila. (VE)