Abante Tonite Interactive

Special lane sa RITM tinanggi ng DOH

403

Itinanggi ni Health spokeperson at Usec Ma.Rosario Vergeire na may Very Important Person (VIP) lane sa testing ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga government officials sa bansa, na nagreresulta umano upang mapabayaan ang mga patients under investigation (PUIs).

Sinabi ni Vergeire na may mga matataas na opisyal ng pamahalaan ang kinakailangan nilang suriin pero ito ay dahil national security reasons habang ang iba naman ay kuwalipikadong maisailalim sa COVID-19 testing.

Tiniyak rin ni Vergeire na lahat ng mga PUIs sa bansa ay naaasikasong mabuti.

“Gusto ko lang linawin, hindi napapabayaan ‘yung ating PUIs. Lahat naman inaasikaso,” ayon sa opisyal.

“’Yun pong mga sinasabi nilang na-test na mga high level officials, most of them pumasok sa criteria namin. May exposure sila, nakapag-travel sila so they were tested. Kailangan din intindihin ng ating mga kababayan na meron tayong ginagawa for national security reasons,” dagdag pa ni Vergeire.

Inamin ni Vergeire na marami pang politiko at mga opisyal ng pamahalaan ang humihiling na masuri laban sa COVID-19 pero dahil sa dami ng mga pasyenteng kailangang suriin ay kinakailangang pumila at maghintay ng mga ito.

Samantala, nilinaw naman ni Health Secretary Francisco Duque na hindi nila inaalis si Research Institure for Tropical Medicine (RITM) Director Celia Carlos.

Ayon kay Duque si Dr. Ernesto Santiago ay inilagay RITM bilang karagdagang opisyal at nagkamali lamang sa Department Order na ginawa at ito umano ay itinama na rin noong Sabado rin ng gabi.

Sinabi ni Vergeire na kailangan si Carlos sa RITM dahil sa kanyang expertise, habang si Santiago ay itinalaga para makatulong kung papaano palalawakin ang RITM laboratory.(Juliet de Loza-Cudia)