Abante Tonite Interactive

Speed Limit

176

DAVAO CITY — Halos alas-10:00 na ng gabi nang matapos kami maghapunan sa isang restaurant sa siyudad na ito. At maluwag na maluwag na ang kalsada. Pero parang nakabisikleta lang kami sa bagal ng sasak­yan namin. “Puwede ka muna umidlip,” ang sabi ng kaibigan kong si Renan de Castro habang nagmamaneho.

Ang dahilan ng mabagal na takbo ng sasakyan ay ang 30-kph speed limit na ipinatutupad sa downtown area ng Davao. Oo, 30kph lang. Sa mas ma­luluwag na kalsada ay 40kph naman. At sa diversion road na wala na halos intersection ay 60kph.

Sumusunod ang nga taga-Davao sa patakarang ito na unang ipinatupad noong Oktubre 2013 dahil mataas ang multa sa violators. P2,000 ang pinakamababang multa, at hindi napapakiusapan ang mga pulis dito. Siguradong mahuhuli ang violators dahil sa dami ng CCTV cameras at speed radars na nakatago sa iba’t ibang lugar sa Davao.

Dahil mabagal ang takbo ng mga sasakyan, wala kang makikitang mga nag-o-overtake rito motorsiklo man o kotse. Wala ka ring makikitang nag-aaway na motorista.

At sabi ng kaibigan ko na taga PNB General Insu­rance at dating presidente ng Davao Insurers Club (DIC), talagang kumonti ang bilang ng aksidente simula nang ipatupad ang speed limit.

Sana ay gawin din ni Pangulong Duterte sa buong Pilipinas ang ganitong estilo sa Davao. Tunay na disiplina ang kelangan na­ting Pilipino. At nagsisi­mula ang disiplina sa maayos na pagpapatupad ng batas.

* * * *

Nagsagawa kami ng Campus Tour para sa Phi­lippine Insurers and Reinsurers Association (PIRA) sa Ateneo de Davao at University of Minda­nao dito. Layunin ng Campus Tour na ipaliwanag sa mga estudyante ang kahalagahan ng insurance at hikayatin sila na subukan ang insurance industry bilang career option pagkatapos mag-aral.

May 600 mag-aaral ang dumalo sa Campus Tour dito. Nagpapasala­mat kami sa pamunuan ng DIC lalo na sa bagong presidente nito na si Ro­nald Rellosa ng Pioneer Insurance sa pag-aasikaso sa amin.

* * * *

Belated happy birthday sa aking bunso na si Annika na nagdiwang ng kanyang ika-10 kaa­rawan kahapon.