Abante Tonite Interactive

‘Spider-man’ sa viral video snatcher pala

335

Magugunitang nag-viral si Jomar Alingod, matapos itong makuhanan ng video habang nakasabit sa isang jeep at may sinusuntok na pasahero.

Iniharap ito kay Mayor Isko para pagpaliwanagin sa nangyari.

Dumepensa si Alingod na tinulu­ngan lang niya ang kaibigan na ha­bulin ang nanghipo sa misis nito na tumakas sakay ng jeep.

Ngunit muli itong iniharap kay Mayor Isko matapos itong mahuli na nag-snatch sa Taft Avenue sa Maynila.

“Ito, noong isang linggo bida. Itong hudyo na ‘to, pumasok pa sa opisina ko. Talipandas din pala,” pahayag ng alkalde.

“Gusto ko malaman n’yo, ito pala holdaper din. Snatcher din. Hindi pa nagbago. Kinilala na nga ng mayor. Kinamayan ko pa! Hindi lang kayo ang natolongges, pati ako,” sabi pa ni Mayor Isko.

Magugunitang hinarap kay Mayo­r Isko Moreno noong Nobyembre 18, ang lalaking binansagang ‘spiderman’ na nag-viral sa social media habang nakalambitin sa isang pampasaherong jeep na inakalang nang-i-snatch sa pasahero sa United Nations Avenue sa kahabaan ng Taft, Maynila.

Sinabi ni Alingod na iginanti lang niya ang asawa ng kanyang kaibigan na hinipuan umano ng lalaki na kanyang pinagsusuntok sa jeep.

Napaniwala ng lalaki si Mayor Isko sa kanyang kuwento na pinayuhan pa nitong huwag ilalagay ang batas sa kanilang kamay. (Issa Santiago)