Abante Tonite Interactive

Split FT nina Belga, Norwood nagsalba sa RoS vs Meralco

191

Laro ngayon:
(Panabo City Multi-Purpose Tou­rism, Sports & Cultural Center)
5:00 pm – San Miguel Beer vs Phoenix Pulse

Sinandigan ng Rain or Shine ang split free-throws nina Gabe Norwood at Beau Belga sa huling 10 segundo upang maitakas ang 88-85 panalo kontra Meralco sa tampok na laro sa 2019 PBA Philippine Cup elims Biyernes ng gabi sa Cuneta Astrodome, Pasay.

Nakakuha ng foul sina Norwood at Belga mula sa kanilang mga split sa free-thows upang iuwi ang ikawalong panalo at makasigurado ng twice-to-beat incentive na para sa top finishers sa yugto dahil sa mataas na quotient sa mga karibal na makakatabla sa barahang 8-3.

Agad ibinagsak ng Elasto Pain­ters ang 10-2 bomba sa pagbubukas ng ikaapat na yugto upang itala ang siyam na puntos na kalamangan sa 76-67, bago na nito tuluyang pinigilan ang lahat ng pagtatangka ng Bolts na makaagaw ng panalo.

Naagaw pa ng Bolts ang manibela sa 85-83 matapos ang apat na sunod na puntos ni Reynel Hugnatan pero tumirik sa huli upang makapitan ng RoS ang second place sa team standings at hinatak pailalim sa ika-10 puwesto ang Bolts sa 3-6 na nagpatagilid na makahabol pa sa Last Eight.

Una nito ay nakalapit ang Bolts sa 77-78 subalit isang tres ni Ed Daquioag ang nagbigay ng 81-77 bentahe sa Elasto Painters, may tatlong minuto pa sa laro.

Lumapit sa isang puntos na lamang na paghahabol ang Bolts sa pagtatapos ng ikatlong yugto, 65-66, subalit hindi nito nasustina sa ikaapat na bahagi at bumalik sa lupa, kasabay sa pag-eskapo ng kalaban na umahon sa kambal na semplang.

Rain or Shine 88 – Yap 14, Daquioag 12, Ahanmisi 10, Mocon 10, Torres 9, Rosales 8, Nambatac 7, Borboran 6, Norwood 5, Belga 4, Ponferada 3.

Meralco 85 – Salva 18, Hugnatan 16, Faundo 10, Amer 10, Hodge 8, Newsome 7, Canaleta 7, Jackson 7, Quinto 2, Pinto 0, Tolomia 0.

Quarters: 20-26, 44-35, 66-65, 88-85.