Abante Tonite
Mabilis sa Balita

S&R hacker palit-pera modus

0 43

Kinumpirma ng isang opisyal ng National Privacy Commission (NPC) na ransomware ang ginamit ng mga hacker para mapasok ang S&R membership shopping club ni Lucio Co at ni-lock ang mga computer ng kompanya.

Ayon kay Privacy Commissioner Raymund Liboro, maituturing na global pandemic ang ransomware na ginagamit ng mga hacker para pasukin ang computer system ng mga kompanya upang hingan ng pera kapalit ng pagbabalik sa kanila ng kontrol sa sarili nilang computer.

“Global pandemic ito. Totoo po ito. Maging sa Amerika, ito ay malaking problema kaya kailangang magtulungan ang mga nasyon dito. Ito ang number one modus ngayon, silent pandemic din ito at malalaking establishment ang tinatamaan tulad nito,” sabi ni Liboro sa isang programa sa radyo kahapon.

Ani Liboro, kahit maliliit na mga kompanya ay nabibiktima nito at may mga ilan na hindi na lamang nire-report ang pangyayari.

Paliwanag niya, kung ma-lock sa system ang HR manager gayundin ang payroll ay $300 lamang ang hinihinging ransom at binabayaran na lang nila iyon at hindi na inire-report.

Ang ransomware ay napapasok sa computer at server ng kompanya sa pamamagitan ng email na may mga link na kini-click. Kapag nabuksan ay ginagapang na nito ang buong computer system ng kompanya para hanapin ang data base.

“Ito ang number one na cybercrime sa atin,” sabi ni LIboro.

Hindi pa isinasapubliko ng S&R kung anong klaseng computer breach ang nangyari sa kanila maliban na lamang sa ulat na 22,000 miyembro nito ang apektado matapos na makuhanan ng impormasyon at mga contact detail.

Sabi ni Liboro, hinihintay pa ng NPC ang mahaba at detalyadong breach report mula sa S&R.

“Hindi kasalanan ang ma-breach. Sasagot lang sa DPA (Data Privacy Act) ang kompanya `pag may negligence at kung hindi ito naglapat ng sapat na security,” dagdag ni Liboro. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.