Abante Tonite
Mabilis sa Balita

S&R-Lucio Co yari sa hacker

0 52

Inamin kahapon ng S&R membership shopping club ni Lucio Co na inatake ito ng hackers at maaaring nakompromiso ang detalye ng kanilang mga kasapi.

Ang S&R ay bahagi ng Puregold Price Club Inc. ngunit tanging mga miyembro lamang ang nakakapamili sa mala-warehouse na tindahan nito at karamihan sa binibenta rito ay mga brand na imported mula sa Estados Unidos.

Ayon sa National Privacy Commission (NPC), nagsumite sa kanila ng report ang S&R tungkol sa pag-atake dito ng mga hacker noong Nobyembre 15.

Sa report ng S&R sa NPC, sinabi nitong Nobyembre 14 nila nadiskubre ang hacking at nagsumite ang kompanya ng supplemental breach report sa komisyon kahapon kung saan kinumpirma nitong 22,000 miyembro nito ang apektado at nakuha ang kanilang mga birthdate, contact numbers, at kasarian.

Ayon sa NPC, sinabi ng data protection officer ng S&R na hindi nakompromiso ang kanilang credit card details at iba pang mga financial information at nagsasagawa na ito ng mga hakbang para pagtibayin at palakasin ang kanilang sistema, at mabawi ang nakompromisong datos para hindi na dumami pa ang maapektohan.

Sabi ng NPC, pinaalala nila sa S&R na dapat nitong sabihin sa mga apektadong miyembro ang nangyari at pinagsusumite rin ito ng technical report mula sa third party cyber security team tungkol sa hacking.

Samantala, isiniwalat ng influencer na si Christian Albert Gaza na mas kilala bilang Xian Gaza ang hacking na nangyari sa S&R noong Martes sa kanyang post sa Facebook.

Aniya, maaaring nakuha ang personal na datos ng 1.6 milyong miyembro ng S&R at posibleng i-leak ito online.

Bilang patunay pa umano ng mga hacker, kinuwento ni Gaza na inilabas na ng mga ito ang datos ng 22,000 miyembro ng S&R. Dagdag niya, humihingi ang mga hacker ng $20 milyon sa S&R bilang ransom nang ma-lock out sa system ang mahigit 250 computer sa head office nito sabay post ng image ng screenshot na nagsasabing na lock out na sila sa system.

Sabi ni Gaza, tinakot na siya ng mga abogado ng S&R na kakasuhan ng libel dahil sa kanyang pinost tungkol sa kompanya ngunit hindi siya natinag dahil may mga ebidensiya umano siya na totoo ang intel niya at hindi ito fake news.

Sabi ni Gaza, ang mga nakuhang impormasyon ay ang card numbers ng mga member, full name, birthdate, personal mobile number, email address, home address, civil status at mga ID.

May 22 shop ang S&R at 12 nito ay nasa Metro Manila. Karamihan sa mga namimili dito ay mayayaman na bultohan kung mamili.

Ayon sa S&R, hindi naman nakompromiso ang mga credit card at iba pang financial information ng mga miyembro nito dahil encrypted ang mga ito at pinagtitibay ng kompanya ang IT system nila.

Kamakailan lang, naglabas ng babala ang NPC sa publiko laban sa mga lumalaganap na smishing scam kung saan pinadadalhan ng text o SMS ang mga tao. Paalala ng NPC sa publiko na huwag i-click iyon para maiwasang makompromiso ang kanilang mga detalye at gamitin pa sa ibang scam. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.