Abante Tonite Interactive

SRP hindi uubra sa mga switik na negosyante

By
136

Sa tuwing mababalitaan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ay to the rescue naman ang Department of Trade and Industry (DTI) para kalmahin at kalamayin ang loob ng mga consu­mer lalo na ang mga ginang ng tahanan na nakatoka sa pagba-budget.

Suggested retail price o SRP ang agad na ipinapatupad ng DTI sa mga pamilihan at sa mga supermarket para hindi magtaas ng presyo sa mga bilihin.

Pero sa kabila ng SRP, marami pa ring mga negosyante ang nakakalusot at hindi sinusunod ang DTI kaya tubong lugaw sa kanilang kita.

Bagama’t nag-iikot ang mga tauhan ng DTI, hindi naman ito nagagawa araw-araw kaya tuloy ang ligaya ng mga switik na negosyante.

Bukod dito, walang mabigat na parusa laban sa mga lumalabag sa SRP at wala pang naipakitang nasampulan ng DTI kaya malakas ang loob ng mga mapagsamantalang negosyante.

Sana naman kumilos ang DTI nang hindi kailangang may nakabuntot na camera sa kanilang pag-iikot para mahuli sa akto ang mga lumalabag sa SRP, at gawin ito hindi lamang sa tuwing may kalamidad o mga hindi inaasahang pangyayari.

Kung tutuusin, halos linggo-linggo ay tumataas ng ilang sentimo ang mga bilihin sa mga supermarket pero hindi ito napapansin ng DTI.

Kahit ilang sentimo pa ‘yan ay lampas pa rin sa SRP na itinakda ng ahensiya.

Dapat ipakita ng DTI ang awtoridad laban sa mga nagsasamantalang negosyante at sampulan ang mga ito para hindi tumulad ang iba. Tiyak na maraming mga singkit ang masasagasaan dahil halos monopolya nila ang mga supermarket sa bansa.

Bukod sa SRP, dapat ding seryosohin ng ahensiya ang kampan­ya laban sa mga madadayang timbangan.

Bagama’t mayroong ‘timbangan ng bayan’, hindi naman ito ginagamit sa mga pampublikong pamilihan dahil mas nananaig ang mga madadayang timbangan.

Kung hindi kaya ng DTI ang paghuli sa mga may madadayang timbangan, maaari namang magpatulong sa mga local government unit o mga alkalde para atasan ang mga tauhan na habulin ang switik na mga vendor.

Sa mga tindahan ng prutas talamak ang mga timbangang may daya tulad ng Quiapo, Bac­laran at Balintawak at kapag nagreklamo ang pinagbilhan ay dadaa­nin sa paninindak at dakdak kaya para makaiwas sa gulo ay tatahimik na lamang ang mamimili.