Abante Tonite
Mabilis sa Balita

St. Luke’s sablay sa milyong bill

0 405

Ni Nancy Carvajal

Inamin ng St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City ang kanilang pagkakamali sa hospital bill ng dating Union Bank president Armand Braun subalit itinanggi ang mga alegasyon hinggil sa paglabag umano nila sa COVID-19 protocol.

Nabatid na naratay si Braun sa St. Luke’s-Global City mula Enero 31 hanggang Hunyo 24, 2020 at umabot ng milyon-milyong halaga ang hospital bill para sa gamot, pagkaka-confine at bayad sa doktor.

Unang binalita ng bilyonaryo.com.ph ang umano’y “bill padding” isyu laban sa St. Luke’s Global City noong Oktubre 3 batay sa reklamo ng anak ni Braun na si Patricia del Rosario sa National Bureau of Investigation (NBI).

Sa email ng St. Luke’s na may petsang Oktubre 9 at natanggap ng bilyonaryo.com.ph nitong Miyerkoles, inihayag nito na itinama na nila ang pagkakamali at humingi na rin ng paumanhin sa pamilya ni Braun.

“We would like to thank the complainant for raising the billing errors and we apologize for the anxiety and inconvenience this brought to the complainant and her family,” ayon sa St. Luke’s.

Hindi binanggit sa pahayag ng St. Luke’s ang pangalan ng nagreklamo subalit base sa complaint ni Del Rosario sa NBI, inakusahan nito ang pamunuan ng ospital na siningil sila sa ilang item na hindi naman ginamit ng pasyente.

Binanggit din ni Del Rosario sa reklamo ang umano’y paglabag ng St. Luke’s sa COVID-19 protocol. Subalit itinanggi ito ng St. Luke’s.

“On the alleged COVID-19 violation, SMLC wishes to clarify that it has not violated any government protocols. The hospital strictly complies with the Department of Health (DOH) regulations in ensuing the safety of patients amid the pandemic,” sabi ng St. Luke’s.

Mayo 28, 2020 umano nang makatanggap sila ng reklamo hinggil sa maling hospital billing at agad nila itong ini-refer sa kanilang internal auditor para maresolba ang billing isyu.

Nakipagtulungan din umano sila sa NBI at nagsumite ng mga dokumentong hiningi ng mga imbestigador. Kinumpirma naman ito ni NBI Agent Leo Escorido.

Leave A Reply

Your email address will not be published.