Abante Tonite Interactive

Staff ni Bong tinututukan sa COVID-19

471

Sumakabilang-buhay na ang isang lalaking staff sa Senate ni Senador Bong Revilla dahil sa Covid-19. Matindi ang pagdadalamhati ng aktor-pulitiko dahil tatlong dekada na niyang kasama ang pumanaw niyang staff.

Wala pa siya sa mundo ng pulitika ay palagi na niyang kasama ang naturang staff, parang kapamilya na rin nila ito, kaya sobra-sobrang kalungkutan ang pinagdadaanan ngayon ng senador.

Dalawang linggo bago pumanaw ang kanyang staff ay hindi na sila nagkita, hindi na sila nagpang-abot sa opisina, mas nauna pa ngang nag-self quarantine si Senador Bong.

Ang tinututukan ngayon ay ang mga kasamahan sa opisina ng pumanaw na staff, nakapailalim sila ngayon sa quarantine, para sa kanilang kaligtasan.

Ibang klase pa namang magmahal ang pamilya Revilla, kapag itinuring ka na nilang kapamilya ay hinding-hindi ka nila pababayaan, ganu’n sila katinding magpahalaga sa mga taong nagmamahal sa kanilang angkan.

Madalas naming kapalitan ng mensahe sa text si Kabsat Portia Ilagan, isa pang kaibigan na buong buhay na yata nito ay ginugugol sa pamilya Revilla, napakalungkot ni Pong sa pagpanaw ng kanilang kasamahan.

“Sa pamilya Revilla, hindi kami mga empleyado, miyembro kami ng pamilya nila. Lalahatin ko na silang magkakapatid, pantay na pantay silang tumingin sa aming lahat.

“Nag-ugat ‘yun kay Daddy Ramon at kay Mommy Azucena, nakita kasi nila kung paano magmahal ng kapwa ang parents nila, kaya kung ano ang nakikita ng mga anak sa magulang, ‘yun na rin ang pinaiiral nila,” sinserong komento ni Kabsat Portia.

At kahit sa mundo ng lokal na aliwan ay kilalang-kilala ang pamilya Revilla sa pagiging mapagmahal. Isa pang magandang katangian ng pamilya, lalo na ni Senador Bong, ay ang hindi pagtatanim ng anumang galit sa mga taong humusga-nanira sa kanila.

Matinding paghusga ang kanyang pinagdaanan. Hindi biro ang makulong siya nang limang taon na pagkatapos ay mapapawalang-bisa lang pala sa pinakahuling sandali.

Ang limang mahahabang taon na ginugol niya sa parang maliit na kahong PNP Custodial Center, magmilagro man ang mga humusga laban sa kanya, ay hinding-hindi na maibabalik pa.

Pero sa kabila ng lahat ay nakaya pa ring magpatawad ni Senador Bong Revilla. Ipinagpasa-Diyos na lang niya ang lahat ng pagsasakripisyong tiniis niya. Pati ang kasalanan ng mga taong nangdikdik sa kanya nang walang basehan at katwiran.

Sabi nga ni dating US President John F. Kennedy, “I forgive, but I remember names.”

Anak nina Bistek, Tates iwas salot sa New York

Sa pagtutok namin sa CNN ay nasusundan namin ang mga nagaganap sa Amerika kaugnay ng COVID-19. Nakikipaghabulan na sila ngayon sa pataasan ng mga positibo sa Spain, Italy at Greece.

Kinumusta namin kay Tates Gana ang kanilang panganay ni dating Mayor Herbert Bautista na si Athena. Nag-aaral ngayon sa New York University ang dalaga, kumukuha ng kursong International Relations With Focus On International Law, pagkatapos niyang magtapos sa Ateneo at kumuha pa ng isang kurso sa University Of The Philippines.

Matindi ang pagkalat ng virus sa New York, ang city that doesn’t sleep at balot na balot ngayon ng depresyon, dahil ang state na ito ang may pinakamalaking idinadagdag araw-araw na positibo sa COVID-19.

Ayon kay Mayora Tates ay panay-panay ang kanyang paalala kay Athena na huwag nang lalabas, palagi lang siyang nasa tinitirhang apartment, nabuburyong man si Athena ay kailangan niyang maiiwas ang kanyang sarili sa talamak nang salot sa buong mundo.

Napakasuwerte nina Mayor Herbert at Tates sa kanilang panganay. Sa halip na magpasarap sa buhay na tulad ng mga kabataang kaedad niya ay nagsusunog siya ng kilay para mas madagdagan pa ang kanyang kaalaman.

Isang araw, sabi nga ng kaibigan naming judge, ay huwag na tayong magugulat pa kapag may isang Pilipino uling nakaupo sa napakaprestihiyosong posisyon sa United Nations.

Tonite – Wendys Inhouse Ad