Abante Tonite Interactive

Standhardinger, SMB nilagok ang Game 1

By
1,478

Nangibabaw ang San Miguel Beer sa larong tinampukan ng sagutang runs sa first three quarters, kumapit sa fourth tungo sa 92-79 win kontra Alaska sa MOA Arena kagabi.

Inekisan ng Beermen ang opener ng PBA Commissioner’s Cup semifinals, balik ang magkatunggali sa Lunes para sa Game 2 ng best-of-five series sa Smart Araneta Coliseum.

Sorpresa o hindi, paramdam agad si Christian Standhardin­ger pagpasok ng second quarter nang pangunahan ang pagkalas ng Beermen.

Natapos ang pukpukang first quarter sa malayong buzzer-beater ni Simon Enciso para idikit ang Aces 24-25.

Kapapasok lang ni Standhardinger sa second, pitong puntos agad ang kinana ng top rookie nang ilista ng SMB ang first 9 points ng period. Assist pa ng Fil-German ang Spidey Slam ni Arwind Santos.

Walong sunod na puntos naman ang kinana ng Aces sa pangunguna ni Vic Manuel para dumikit 34-32, pero hindi nagpakabog ang Beer na abante ng double digits 52-41 sa half.

Alaska naman ang tumakbo pero nakakapit ang Beermen sa 75-65 edge papasok ng fourth.

Pinangunahan ng 17 points, nine rebounds ni June Mar Fajar­do ang Beermen, may 15 points at five assists si Alex Cabagnot. Tumapos si Renaldo Balkman ng 13 points at 11 rebounds, may 12 pa si Marcio Lassiter.

Nilista ni Standhardinger ang lahat ng nine points niya sa second quarter.