Abante Tonite Interactive

Star Magic may favoritism sa raket?

688

Nilalayasan ng mga talent:

RODEL FERNANDO: Kapansin-pansin ang paglayas ng ibang artista at talent sa Star Magic. Pinakahuli rito si Jessy Mendiola. Ano kaya ang dahilan kung bakit nagsisipag-alisan sila? Marami-rami na rin at karamihan ay lumipat na sa Cornerstone at ‘yung iba sa Viva Talent Agency.

Isa sa mga umalis sa Star Magic na hindi ko na babanggitin ang pangalan ay ang kontobersiyal na aktres. Diumano, nasasakal at hindi na niya kinakaya pati pangingialam sa kanyang personal na buhay. At hindi na rin niya gusto ang mga project na ibinibigay sa kanya.

Ang tanong tuloy mga ka-Cuatros, may mali ba sa pamamalakad ng naturang talent management kung bakit lumalayas ang mga talent nila? Siguro kailangang magkaroon ng madibdibang usapan sa pagitan ng mga bossing ng Star Magic at kanilang mga alaga. Kailangang ayusin kung may mga problema.

Kung tutuusin naman, halos lahat naman ng hinahawakan ng Star Magic ay nagkakapangalan at sumisikat pero ano kaya ang problema?

MILDRED BACUD: Paano naman hindi mag-aalisan sa poder ng Star Magic, may nagaganap din daw diyan na hindi nagugustuhan ng mga artista. Ilan na rin ang nakatsika naming celebrities na kapag umano hindi ka paborito, huwag nang asahang may raket ka palagi. Halimbawa, may nag-inquire for a show sa isang artista, sasabihin ng handler hindi ito available at ibang artista na lang na paborito o alaga niya ang ibibigay. Kami mismo ay naka-experience ng ganyan. Ang hirap i-book ng isang artista kapag dumadaan sa Star Magic, eh dahil close naman namin ang artista, dumeretso kami. Eh ‘di ‘yun, na-book namin ang artistang ito nang walang hirap at hindi kami pinaikot. May hindi maganda sa sistema na baka naman hindi alam ng mga bosses. Lagi namang sa handler at road manager nagkakaproblema. Kaya siguro nag-aalisan ang ibang artists diyan dahil napapabayaan na nga.

Nakakalungkot nga, dati tuwing anniversary ng Star Magic, halos hindi magkasya sa stage ng ASAP ang mga talent nila sa sobrang dami, ngayon ay sobrang nabawasan sila.

ROMMEL PLACENTE: Marami ngang talents ng Star Magic ang umalis na sa kanila dahil sa tingin nila ay napapabayaan na sila, na hindi na sila nabibigyan ng proyekto. Pero ‘yung ibang umalis sa kanila rati ay bumalik naman sa kanila tulad nina Carlo Aquino, Patrick Garcia, Jericho Rosales at iba pa.

Si Jolina Magdangal na dating talent ng Star Magic na nu’ng lumipat sa pangangalaga ng PPL ni Perry Lansigan, ay binibigyan pa rin ng project ng ABS-CBN sa kabila ng nagsalita dati ng laban dito si daddy Jun ng singer.

Hindi nagtanim ng sama ng loob sa kanya ang Dos kahit nga binira nito ang talent arm ng Kapamilya network.

Naiintindihan naman natin ‘yung ibang talents ng Star Magic na umalis na sa kanila dahil siyempre, gusto rin nilang magtrabaho, kaya lumipat sa ibang istasyon o manager. Pero siguro, isa rin sa dahilan kaya hindi sila nabibigyan ng trabaho dahil bano silang umarte, attitude o unprofessional.

May dahilan din naman siguro ang Star Magic kaya hindi nila nabibigyan ng proyekto ang mga talent na umaalis sa kanila. Pero kung may umaalis sa Star Magic, may lumilipat din naman sa kanila katulad ni Ritz Azul.

RONA AVECILLA: Sa dami naman kasi ng talents under nila, talagang ‘di siguro maiiwasan na hindi mabigyan ng proyekto ang iba. Kaya siguro no-choice sila kundi lumipat na lang lalo na at nag-i-expect sila na mabibigyan ng magandang break under the agency.

Kung mahirap ang maging freelancer at walang talent management na humahawak, hindi ba parang mas mahirap na mayroon ngang humahawak sa iyo pero hindi ka naman nabibigyan ng pansin? Kaya kung hindi ka ganoon kagaling sa pag-arte at hindi bankable, mas pipiliin nila ang mga artistang subok na sa industriya. Hindi naman siguro ibig sabihin nito ay may favorite, baka sadyang praktikal lang ang Star Magic. Kung sino ang mas sikat, talented, siya ang mas may exposure.