Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Star studded na eleksyon

0 168

Panis mga tropapips ang mga pelikulang “Avengers” at “The Expendables” sa dami ng mga ta-artits na kasama sa mala-teleseryeng 2022 national elections.


Hindi naman talaga nalalayo mga tropapips sa teleserye o pelikula ang halalan ngayon dahil sa tindi ng mga twist at eksenang mga inabangan.

Kabilang nga sa binantayan ang mag-amang sina President Mayor Digong Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte; na hanggang ngayon eh hindi pa ganap na “period” ang istorya kung hindi na ba talaga tatakbo sa paparating na eleksiyon.

Puwede pa kasing mag-substitute si President Mayor Digong kay Senador Bong Go para tumakbong vice president hanggang sa November 15. At malay natin, baka sa kakaurot, o kaya ay mabanas kapag patuloy siyang idinadamay sa ingay ng pulitika, aba’y biglang mag-substitute din si Mayor Sara at tumakbong presidente.

Pero ito na yata mga tropapips ang isa sa mga eleksiyon na napakamarami tayong nabasang mga pangalan ng artista na tatakbo sa May elections, lalo na sa local positions.

Siyempre una na diyan si dabarkads Senate President Tito Sotto na vice presidential candidate ni Sen. Ping Lacson, na lalaban naman sa panguluhang halalan.

Nandiyan din Yorme Isko Moreno, at boxing legend na si Sen. Manny Pacquiao, na namudmod ng pera sa Batangas kamakailan… pero hindi raw iyon vote buying. Sana lang ay huwag maging “super spreader” event ng COVID-19 ang ginawang iyon ni Pacman dahil hindi, tiyak na hindi kasya ang ipinamigay niyang tig-P1,000 sa mga tao para pambili ng gamot.

Sa senatorial race, nandiyan sina Robin Padilla, Raffy Tulfo, Herbert Bautista, Monsour del Rosario, at Jinggoy Estrada. Umatras si Kabayang Noli De Castro na pinalitan ng TV host na si Jopet Sison. Buti’t hindi tumuloy si Willie Revillame kaya may isang puwesto na nalibre at tiyak na pag-aagawan.

Para patas naman sa ibang kandidato sa lokal, babanggitan natin ang pangalan ng mga ta-artits na tatakbo pero ‘wag na nating sabihin ang posisyon at kung saang lugar.
Habang pahinga muna sa politika ang Star for All Season na si Ate Vilma Santos, lalarga naman sa pagtakbo si Superstar Nora Aunor.

Tatakbo rin ang mag-asawang Richard at Lucy Gomez, si Angelica Jones, ang mag-utol na Anjo at Jomari Yllana, Jolo Revilla, Karla Estrada, at bida sa “Bagman” na jowa ni Maine Mendoza na si Arjo Atayde.

Makikita rin sa balota ang pangalan nina Imelda Papin, Richard Yap, kontrobersiyal na beauty queen na si Sharifa Akeel, Ejay Falcon, Teri Onor, Yul Servo at Jason Abalos.
Hindi naman siguro mambobola ng mga botante ang mga basketbalistang sina Alvin Patrimonio, James Yap, Paul Artadi at Don Gallado.

Idagdag pa sa mahabang listahan sina Aiko Melendez, Alma Moreno, Bobby Andrews, Angelu de Leon, Arci Muñoz, Dennis Padilla, Claudine Barretto, Nash Aguas, Ervic Vijandre, at marami pa.

Bakit nga ba napakarami yatang celebs na tumakbo ngayon? Na-inspired kaya sila ng pandemic o dahil sa dami ng ta-artits na naging “busy” sa administrasyon ngayon? Pero malalaman natin kung uubra ang star powers nila sa balota pagdating ng araw ng botohan. At ‘yan ang ating aabangan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.