Abante Tonite
Mabilis sa Balita

State of calamity sa COVID mapapaso na

0 54

Hindi malayong palawigin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang idineklarang national state of calamity dahil nagpapatuloy pa rin ang dinaranas na krisis sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque dahil sa nakatakdang pagtatapos ng bisa ng Proclamation No. 929 ngayong September 16, 2020.

Inilabas ng Pangulo ang proklamasyon noong March 16, 2020 na nagdedeklara ng national state of calamity sa bansa matapos pumutok ang COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Roque na hindi malayong palawigin ang bisa ng proklamasyon dahil hanggang ngayon ay wala pang gamot laban sa COVID-19 at nagpapatuloy ang paghihirap ng mga tao sa epekto ng pandemya sa bansa.

“Most likely po, dahil habang walang bakuna, habang walang gamot sa COVID, patuloy po ang epekto ng pandemya,” ani Roque.

Sa ilalim ng proklamasyon, inutos ng Pangulo na gamitin ang lahat ng mekanismo ng gobyerno para protektahan ang sambayanan sa banta ng panganib ng COVID-19.

Lahat ng mga ahensiya ng gobyerno, kasama na ang mga pamahalaang lokal ay inatasang gamitin ang lahat ng kanilang resources para tulungan at alalayan ang mga mamamayang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.(Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.