Abante Tonite Interactive

STL binalik ni Duterte

292

Inalis na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspension sa ope­rasyon ng Small Town Lottery (STL) sa buong bansa.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, may mga kakabit na kundisyon ang muling operasyon ng STL.

Para sa mga nakakasunod na franchise holders, kinakaila­ngang magdeposito sila ng tatlong buwan para makapagpatuloy ng kanilang operasyon.

Para sa mga pasa­way na franchise holders, kinakaila­ngang magbayad muna sila sa kanilang mga utang at magkakaroon ng waiver na hindi sila maaaring makapagdemanda laban sa Philippine Charity Seepstakes Office (PCSO) o sa gobyerno.

“The suspension of STL will be lifted upon compliance of certain conditions,” ani Panelo.

Sinabi pa ng kalihim na kapag nilabag ang kahit isa sa mga kundisyong nakapaloob sa implementing rules and regulations ay babawian ng lisensiya ng STL operators.

Matatandaang sinuspinde ng Pangulo ang operasyon ng lahat ng online gaming ng PCSO noong nakalipas na buwan dahil sa umano’y dayaan at hindi pagbabayad ng tama ng franchise ope­rators sa gobyerno kaya malaki ang nawawala sa kita ng PCSO.Gayonman,makalipas ang isang linggo ay ibinalik ang operasyon ng lotto.

Nananatili pa ring suspendido ang operasyon ng Keno at peryahan. (Aileen Taliping/Tina Mendoza)