Abante Tonite Interactive

Stress ka na ba? 

By
0 127

Habang papalapit nang papalapit ang Pasko, pataas naman nang pataas ang level ng stress sa marami nating kababayan — may pera man o wala.
Ngayong linggo, nag­simula na ang Adbiyento o Advent, na bahagi ng tradisyon ng mga Katoliko hanggang sa Pasko, o araw ng pagsilang ni Hesus. Sa homily o sermon ng isang pari sa misa, pinuna niya na maraming tao ang aligaga at ma­syadong nai-stress sa iba’t ibang bagay habang papalapit ang Pasko.
 Ang mga may pera, problemado sa kakaisip kung ano ang bibil­hing regalo sa mga gusto nilang bigyan. Bukod sa pag-iisip ng regalo, sumasakit din ang ulo nila sa trapik, bago at matapos mamili. Kung problemado ang may pera, problemado rin ang mga walang pera, lalo na ang mga may pamilya.
Natural sa mga mapagmahal na magulang na purdoy ang mag-isip ng paraan kung papaano mapapasaya ang mga anak kapag Pasko. Mag-iisip ang mga iyan kung saan makakadiskarte para maibili ng damit ang mga bata na isusuot kapag nagsimba at manghihingi ng aguinaldo, makapagbigay ng simpleng pang­regalo, at siyempre, payak na handa.
Kung minsan, pati ang mga bata, may pagkakataon na naapektuhan din. Lalo na kung may makikita silang ibang bata na mula sa may kayang pamilya na nakakabili ng mga damit at laruan kapag Pasko. Sa mga ganitong sitwasyon na stress ang tao, posible itong humantong sa depresyon; at ang depresyon naman kung hindi kakayanin, baka mauwi sa hindi magandang gawain.
May ilang dalubhasa nga ang nagsa­sabi na tumataas ang bilang ng mga stress, depress at nagsu-suicide kapag Holiday season. Hindi lang dahil sa usaping pinansiyal, kung hindi ma­ging personal o problema sa pamilya.
Pero sabi nga sa sermon ng pari, aba’y bakit kakailanga­ning ma-stress samantalang dapat masaya ang mga tao sa Pasko. Bakit nga naman kung ano-anong garbo at luho ang pag-iisipan tuwing Pasko samantalang ang ‘sanggol’ na gugunitain natin sa Pasko eh walang kaluho-luho sa katawan nang isilang.
May tama nga naman si Father. Si baby Jesus nang isilang, wala sa mamahaling ospital o de-aircon na kuwarto kung hindi sa sabsaban. Wala nga Siyang magarbong bala­bal nang iluwal. At maliban sa tatlong haring Mago, mga hayop sa kulungan ang naging bisita nila ni Mama Mary. At wala ring baby shower.
In short, napakasimple lang nang isilang si baby Jesus. Pero bakit ang marami sa atin, ang gusto eh magarbo at hindi na lang gawing simple ang selebrasyon? Ang dahilan, sobrang komersiyalismo.
Kung nais siguro na­ting maging magarbo sa paggunita sa Pasko, ang magandang gawin mga tsong eh mag-isip ng mga taong hikahos o nangangaila­ngan na dapat tulu­ngan at pasayahin. Malay  natin, baka ang taong matutulungan at mapapasaya mo eh kasama sa maraming depress kapag panahon ng kapaskuhan at nakapag-iisip na ng hindi maganda sa sarili o kaya sa kaniyang kapwa.
Bukod sa dapat na ilagay sa isip ang maging simple at pa­yak tuwing kapaskuhan, dapat ding isiksik sa kokote ng mga may sasakyan na huwag na silang magmamaneho kapag ba­ngenge na sa kalasi­ngan para ‘di madisgrasya o makadisgrasya.
Sa tala ng Highway Patrol Group ng PNP ngayong 2018, mula Ene­ro hanggang Set­yembre, may 374 na insidente ng sakuna sa kalye ang nangyari na kinasangkutan ng mga la­sing na driver. Aba’y maigi kung sarili lang niya ang mapeperwisyon sa pagmamaneho niya nang lasing, pero papaano kung may idamay siya?
Kaya dapat nga­yong Christmas season at kabi-kabila ang mga party at inuman, dapat maging mahigpit ang mga awtoridad sa pagbabantay sa mga kalye at maging sa mga establisimyento sa paglabas ng mga kostumer na gumigewang na sa paglalakad eh sasampa pa rin sa kaniyang sasakyan.
Mawawalan ng silbi ang Anti-Drunk Driving Act na layuning maalis sa kalye ang mga lasing na driver kapag nasangkot na ang mga pasaway na ito sa sakuna. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”