Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Stress sa pagbabalik-bansa bunsod ng COVID

0 117

Nakaka-stress bumiyahe pauwi ng Pilipinas lalo na kung hindi ka sigurado sa kapalaran ng bansang panggagalingan mo dahil sa umiikot na Omicron variant ng Covid-19.

Ilang mga kababayan ang nabigong makasakay ng eroplano dahil sa biglang pagdedeklara ng Pilipinas na nasa red list ang kanilang bansang pinuntahan. Mabuti na lang kung may titirhan ka pa kung hindi ka makakasakay. At kung kakasya pa ang pera mo habang naghihintay ng repatriation flight para sa mga na-stranded na Pilipino.

Problema rin ang lay-over dahil baka ang bansa namang titigilan mo bago ka makauwi ng Pilipinas ay biglang magla-lockdown o madedeklara ring nasa red list. Naroon din ang panganib na ang mismong airline ang magkakansela ng flight mo. Kahit na may insurance ka, hindi sasagutin ng insurance ang pagbili mo ng bagong ticket kung nakasaad na wala silang pananagutan kung may koneksyon sa Covid ang dahilan ng kanselasyon ng iyong biyahe. Sa ngayon, laging ang dahilan ng airline sa kanselasyon ay ang Covid.

Ganyan ang naranasan ko sa Amerika kaya napalawig nang napalawig ang aking pananatili roon. Ang mga alternatibong rutang ibinibigay sa akin ng airline ay maraming lay-over at napakahaba ng biyahe – animnapu’t walong oras o halos tatlong araw. Idadagdag pa rito ang 5 araw sa kwarantina at isang araw na ipaghihintay sa resulta ng RT-PCR test sa Pilipinas, makakalbo ka na sa stress bago ka pa makauwi sa iyong pamilya.

SM food to go Banner Ad

Nang makakita na ako ng direct flight na medyo kaya pa ng bulsa ang pamasahe, nagbook na ako kaagad. Pero ang petsa ay limang araw bago mag-Pasko. Kinuha ko na kaysa hindi ako makauwi. Dahil kung di ako uuwi sa takdang panahon, kakailanganin kong gumastos ng halos limandaang dolyar o P25, 000 para lamang makapag-apply ng extension ng aking pananatili sa Amerika sa ilalim ng aking tourist visa.

Dagdag stress din ang mga kinakailangan bago makabiyahe pabalik ng Pilipinas, lalo na ang RT-PCR test. Marami namang nag-aalok ng libreng RT-PCR test lalo na sa pinakahuling state na pinuntahan ko, ang Los Angeles, pero nakakakaba ang matagal na paglabas ng resulta. Kulang ang registration mo sa One Health Pass ng Bureau of Quarantine o BOQ hangga’t hindi ito lumalabas. May nakasakay nga ako sa eroplano na kinailangan niyang magbayad ng $195 o halos sampung libong piso sa Tom Bradley Airport para sa isang oras na resulta ng RT-PCR dahil hindi umabot sa pagsakay niya sa eroplano ang resulta ng test niya sa CVS Pharmacy kahit na ginawa niya ang test 72 oras bago ang kanyang takdang pagba-biyahe.

Marami ang naguguluhan sa sinasabing 72 oras bago magbiyahe ang kinakailangan para sa isasagawang RT-PCR test. May isa tayong kababayan na hindi nakasakay ng eroplano dahil lang nasobrahan ng isang oras ang kanyang panahon ng pagte-test para sa RT-PCR. Kung naguguluhan sa pag-compute ng tamang oras bago bumiyahe, matutulungan kayo ng internet calculator na ito: https://www.free-online-calculator-use.com/date-time-calculator.html

Leave A Reply

Your email address will not be published.