Abante Tonite Interactive

Strike 3 ang PCOO

By
528

Magkakasunod ang naging kapalpakan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa loob lang ng 20 araw na pagitan.

Una, tinawag nilang taga-Norwegia ang kinatawan ng bansang Norway.

Nagpiyesta tuloy ang mga tambay sa social media at pinulutan ang kamalian ng tanggapan ni Secretary Martin Andanar. Marami ang pabirong nagtanong kung saan matatagpuan ang Norwegia. May mga sumagot naman na katabi lang daw ito ng Wakanda o Engkantadia. May nagsabi pa na kung si Asec. Mocha Uson nga nagawang itulak sa Camarines Sur ang Bulkang Mayon sa Albay, ‘yung Norwegia pa kaya?

Halos kasabay naman ni Norwegia ang pagkakamali ng PCOO sa kompletong pangalan ng namayapang dating National Security Adviser at Parañaque City Rep. Roilo Golez, aba’y tawagin ba naman itong ‘Rogelio’.

Kahit si Lola Nidora, hindi matutuwa at nabawasan siya ng ‘Rogelio’ o bodyguard sa Kalyeserye. Pero hindi ‘yun ang isyu, paano makakapag-react ang isang taong patay na sa ginawang pambababoy sa kanyang pangalan?

Ito ngang si Senador Sherwin ‘Win’ Gatcha­lian, umangal agad nang makita ang statement ng PCOO nang binyagan ba naman siyang si Sen. Winston Gatcha­lian. Kilalang kaalyado ng administrasyon si Gatcha­lian pero hindi niya napigilang banatan ang nasabing tanggapan.

Ipinaalala ng senador na ang pangalan ng Pa­ngulo ng bansa ang bitbit ng PCSO, pero mistulang lima singko kung magkalat ang opisina ni Andanar. Tumatagin­ting na P1.3 bilyon ang pondo ng tanggapang ito ngayong taon, pera na nanggaling sa mga taxpayer.

Kung sa larong baseball, strike 3 na ang PCOO at out na siya sa pagpalo sa inning. At kung madalas ma-strikeout ang isang player, napapag-initan siya ng manager na ibangko sa laro, i-demote at ang pinakamasaklap, i-trade sa ibang team.

Hindi man kasalanan ni Andanar ang kapalpakan sa Norwegia, Rogelio at Winston, sa kanyang mesa ang bunton ng sisi dahil siya ang boss ng nasabing tanggapan. Malakas ang kapit niya kay Pangulong Duterte, nalampasan niya ang pinakamalakas na pagsubok nang mabuking ang P60 million ads ng Department of Tourism sa prog­rama ng magkapatid na Tulfo sa PTV-4, ang government television station na hawak din ni Andanar.

May mga report na sinabon daw ng Pa­ngulo si Andanar dahil sa paglusot ng P60 million ads sa PTV-4. Hindi naman malinaw kung pinagbantaan siyang sibakin sa puwesto dahil kung ginawa itong Pa­ngulo ay hindi na sana umabot ng Hunyo ang opisyal.

Kung aabot si Anda­nar hanggang sa dulo ng termino ng Pangulo, panahon na lang ang makapagsasabi. Pero ilang bulkan, ilang bansa, ilang pangalan ng politiko pa kaya ang babaguhin ng tanggapan ni Andanar?