Abante Tonite Interactive

Suarez umamin: Arroyo utak ng dagdag pork

805

Ibinuking ni House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez na minanipula ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang panukalang 2019 national budget matapos ang ratipikasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso upang sa gayon ay mabigyan ng malaking pondo ang mga kaalyado.

Sa isang programa ng ANC, sinabi ni Suarez na hindi magkakaroon ng deadlock sa budget kung hindi naging Speaker si Arroyo.

“Malalim kasi ‘yung pinagsimulan ng problema. Siguro kung hindi nagkaroon ng change in lea­dership, wala tayong problemang ganito,” bungad ni Suarez.
Ayon sa kongresista, ginawa ang realignment sa budget dahil sa hindi pantay na distribusyon ng pondo sa mga legislative district.

“May mga area na malalaki, maliliit ang nakuhang congressional assistance. Meron namang distrito o mga chartered city, ‘di naman kailangan masyado ng public works, malalaki, ‘yun siguro dapat bawasan nang konti,” saad ni Suarez.

Nanindigan naman si Suarez na hindi nilabag ni Arroyo ang Konstitusyon sa ginawang pagkalikot sa 2019 national budget.

Dahil sa rebelasyon ni Suarez, nag-tweet si Senador Panfilo Lacson ng “How do we catch the fish? Either by fishnet or through the mouth.”
Nakatakda namang magpulong sa susunod na linggo ang mga kinatawan ng Senado at Kamara para resolbahin ang deadlock sa budget.