Abante Tonite Interactive

Subic forest sinira para sa SEAG

0 295

Nababahala ngayon ang ilang mga dayuhang residente at negosyanteng malapit sa lugar na maaa­ring makaapekto sa kalikasan at kapaligiran ang isang proyekto na minamadali ng gobyerno na isa para pagdadausan ng isang laro para sa Southeast Asian (SEA) Games at sinasabing pasok sa protected area sa loob ng Freeport Zone sa Subic.

Napag-alaman ng Tonite mula sa isang source na ang proyektong minamadali sa Explosive Ordnance Disposal (EOD) sa West Ilanin Forest ay inen­dorso ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) para sigu­raduhing sumusunod sa mga kinakailangan regulasyon sa kapaligiran para gamitin sa firing competition sa SEA Games.

Sa SBMA ay may lumang firing range na ginamit ng dating US Navy na malapit din sa lugar ng pinagtayuan at nasa kontrol ng SBMA.

Kinausap ng Tonite ang kontratista ng proyekto na si Loy Arpon, ng CFV Construction upang alamin kung mayroon silang kumpletong dokumento at permit kagaya ng Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ayon kay Arpon, binigyan lang sila ng lugar para trabahuhin at madaliin pero pagdating sa mga dokumento ay iba na umano ang humahawak nito.

Sinabi pa nito na kung mayroon silang violation, ang tanging makakasagot lamang dito ay ang PSC at SBMA.

Wala aniya silang kinalaman dito dahil diretso silang nakikipag-ugnayan sa kanilang procuring entity sa Metro Manila.

Samantala, sinubukang kunan ng pahayag ang pamunuan ng DENR Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Olongapo at CENRO-Bataan subalit wala rin silang alam sa isyu.

Maging ang Ecology Center ng SBMA na na­ngangalaga sa kalikasan ng freeport ay dedma lang, habang ang chairman and administrator na si Wilma Eisma, na aktibo sa social media ngunit tahimik sa kabila ng pagkalat ng litrato at video sa isyu.

Matatandaan na maagang naglabas ng pahayag si Eisma na ang lahat ng mga lugar para sa pagdarausan ng SEA Games sa Freeport ay handa na.

Nasa 17 mga laro ang nakatakdang ganapin sa Subic, gayong ang ilang mga lugar ay tinatrabaho pa rin.

Sinabi naman ni Robert Gonzaga, President at CEO ng Subic Bay Maritime Exploratorium Inc., silang mga negosyante na mayroong negosyo sa West Ilanin Forest ay sumailalim sa mahigpit na proseso para makakuha ng ECC para mapangalagaan ang kapaligiran dito kabilang ang Ocean Adventure, Zoobic Safari at Kamana Resort.

“Wala man lang mga signage sa paligid o babala o nagsasabi na may permit ang itinatayong proyekto na hindi na namin kailangan pang magtanong.

Ito ay isang paglabag sa batas, ‘yan ba ang masasabing may ECC na dapat tinitiyak nila ang anumang masamang epekto nito sa kapaligiran lalo na pasok ito sa protected area, kaya kailangang may managot dito,” ani Gonzaga.