Abante Tonite Interactive

Suffer SiReyna binabastos ang mga baklang ‘di kagandahan

By
4,932

May mga pangmalakasang timpalak para sa mga bading na mapapanood sa kasalukuyan sa tv. Naggigiyera patani sila sa daily noon time variety shows.

Ang big contender at threat na It’s Showtime ang kanilang flagship timpalak para sa mga diwata, ang Ms. Q and A. Sa nasabing pagandahan, ang mga contestant dapat bibo, matalino, mabilis mag-isip at dapat kayang sumagot sa mga nakakawindang na mga katanungan.

Ang mga sumasali, karamihan, mga diwatang hindi masyadong ‘kagandahan’. Hindi sila ‘yung mga tradisyunal na beauconera pero sadyang malalakas ang loob at handang makipagsaba­yan sa mga mas magagan­da sa kanila.
What is laudable about this segment, kahit ikaw ay baklang science pro­ject o maricon na salat sa kariktan, ang mga bakla ay made up, glammed up and styled all over.

Kung bakla kang kadalasan ay pinaglalaruan dahil sa kakaiba mong itsura, ang Ms. Q and A ang iyong platform to shine at magigng katotohanan ang pangarap mong bituin na maging tunay na beauty queen.

Hindi ako sigurado pero maaring kung sino man ang mananalo rito eh ang i-re-rehaul ng mga taga-It’s Showtime bilang “heiress apparent” ni Vice Ganda. Masyado pa kasing ‘ineng’ si Awra Briguela kaya hindi kainaman kung sila ni Jose Marie ang pagsasabungin sa nasabing palabas.
***

Sa longest running noon time variety show naman, sa Eat Bulaga, dalawa ang payanig para sa mga maricon.

Una, ang Super Sireyna, na halos dalawang dekada at tatlong taong namamayagpag sa telebisyon. Hindi ko alam kung tumpak ang aking pagbilang pero tuwing lumalabas ang segment na ito, girl, boy, bakla o tomboy man, isa mo na ang mga paminta at mga boy borta, eh talagang haling na haling sa contest.

Nasa pop culture at showbiz kasaysayan na ang nasabing contest dahil para siyang Ms. Universe para sa mga transgender na ‘exceptional individuals with exceptional talents’. Beauty, ta­lent and wit ang labanan dito, mas maganda ka, mukhang artista at babaing-babae ka na, pasok na pasok ka sa banga!

Kung panalo ka pa sa talent at idagdag pang biba at may katuturan ang pagtatahi mo sa iyong sagot sa all important question and answer portion, maaring sa iyo mapunta ang setro, korona, premyo at bragging rights. Belong na belong ka sa elite circle of exceptional individuals na talaga namang kabog na kabog pa ang mga tunay na babae sa alindog at talino.

Of recent years, ang mga best example at most loved Sireynas ay sina Francine Garcia na ang passport to fame ay ang pagiging si Kim Chiu at si Trixie Maristela na chronicled pa man din ang love story sa isang aklat at talaga naman hindi pwedeng ikaila na nu’ng maging magkapareha sila ni James Blanco sa isang Karelasyon episode, lahat ng mga nakapanood na baks ay nagsabing bagay na bagay sila, and they can be the “poster couple” para sa mga straight man-transwoman relasyon.

Ang EB’s Super SiReyna segment ay kasalukuyang ipinantapat sa It’s Showtime’s Ms. Q & A. Sa madlang pipol at dabarkads, anong patimpalak kaya ang kanilang tunay na mamahalin at yayakapin? Sino naman kaya ang magre-reynang uli sa ratings at social media postings?
***

Ang Suffer SiReyna na “spoof” ng Super SiReyna ay hindi nakakatuwa, hindi nakakatawa at mas lalong hindi nagbibigay respeto sa mga bakla.

Sa nasabing segment, pinaglalaruan, tinutudyo at lantarang pambabastos ang ginagawa sa mga baklang hindi kagandahan.

Oo, kusang loob naman na sumasali ang mga contestant dito para sa kaunting barya at pagkakalantad ng kanilang mga sarili sa telebisyon.

At anong klaseng pagkakalantad ito? Pinagsusuot ng long gown, isinasabak sa isang “obstacle curse” kung saan sila ay hihiluhin, patatakbuhin at isusuong sa kakaibang klaseng paligsahan.

Sobrang pang-iinsulto at panlalait ang tinatanggap ng mga baklang salat sa kariktan na sa huli, barya-barya lang ang iuuwi.

Sa isang pangmalakasang show na tulad ng EB, sa nasabing spoof, mas lalong nilang idinidiin na walang karapatan ang mga baklang pangit sa mundong ibabaw at ang palagian nilang papel sa lipunan ay para kutyain at gawing katawa-tawa.
Nakakalungkot na ang mga tulad nina A­llan K, Paolo Ballesteros at mga baklang kasali sa produksyon, sumang-ayon sa segment. Alam ko na ‘trabaho lang ito at walang personalan’ para kina Allan at Paolo pero ang ganitong pangmamaliit sa mga bakla, hindi lang dapat nagdadabog ang bangs nating lahat, dapat inaangalan, pinapalagan.

Ang mga progressive gay groups, tahimik na tahimik na naman kayo sa kaganapang ito? Pulos kalandian kasi ang mga inuuna at pananalig sa same sex marriage ang inilalaban.

Hindi ba natin natatandaan ang sinabi ni Coring sa Ang Tatay kong Nanay. “Ako at lahat ng kapatid ko rito, ay tao rin naman. Marunong rin akong tumawa. Marunong rin akong umiyak. Kung ang pusa nga kapag natatapakan, ngumingiyaw din.”

Lantarang bastusan sa telebisyon ang ginagawa sa mga sumasali sa Suffer SiReyna, ano ito, bulag, pipi at bingi kayo sa katotohanan? Hanggang kailan natin papayagan ang ganito, na laging ginagawang katatawanan at pinaglalaruan ang mga bakla at kabaklaan? Lagi na lang bang ang drama natin, it only hurts when we laugh?