Abante Tonite Interactive

Sugal sa lamay: 12 nasampolan

368

Nabulabog ang mga naglalamay sa patay makaraang pagdadamputin ng mga awtoridad ang 12 nagsusugal sa magkahiwalay na lamayan sa Quezon City.

Sa ulat, nagsagawa ang mga awtoridad ng ‘anti-illegal gambling’ operation nang maispatan ang tatlong kalalakihan na nagka-cara y cruz sa lamayan sa Brgy. Holy Spirit.

Sumunod na naaresto ang siyam na katao na naglalaro ng baraha habang naglalamay naman sa kapitbahay nilang namatay sa Barangay Commonwealth ng nasabing lungsod. Sinamsam ng mga awtoridad ang mga baraha at mga tayang pera sa gitna ng lamesa.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Debold Sinas, kapag may sugalan sa patay ay dapat munang kausapin ng mga pulis ang pamilya ng namatay at ipaalam na bawal na ang pagpapasugal sa mga lamay.

Subalit kung sa kabila ng pakiusap at nagpatuloy pa rin ang sugalan sa lamay ay doon na magsasagawa ng pagsalakay ang mga awtoridad at bibitbitin ang sinumang mahuling nagsusugal.

Gayunman, nilinaw ng NCRPO chief na kung ang paglalaro ng baraha ay walang kahalong pera o tayaan ay papayagan ito. (Dolly B. Cabreza)