Abante Tonite Interactive

Sugal sa lamay bawal na

1,238

Bawal na ang sugal sa lamay ng patay gayundin ang anumang klase ng sugal gaya ng sakla, tupada, color game sa mga peryahan at anumang card game sa Metro Manila.

Ito ang sinabi kaha­pon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Maj. Gen. Debold Sinas at aniya’y nagbigay na siya ng kautusan.

“Nag-issue na ako ng directive na maski sa patay, bawal ang magsugal,” pahayag ni Sinas sa isang press conference kahapon.

Paliwanag nito, ­unang sasabihan ng pulisya ang pamilya ng namatay na ihinto ang sugal sa lamay pero kung hindi susunod ang mga ito at tuloy pa rin ang sugal ay saka na isasagawa ang raid.

“Ang guidance ko, pakiusapan muna. Pagkatapos, kung ayaw saka i-raid para hindi nila masabi na wala kaming konsiderasyon,” dagdag ni Sinas.

Bukod sa sugal sa lamay ay bawal na rin ang mga color at number game sa mga peryahan kahit sa piyestahan ganun din ang tupada at saklaan.

Matatandaang una ng iniutos ng Philippine National Police (PNP) chief Police Gen. Archie Francisco Gamboa ang pagbabawal sa operasyon ng illegal gambling at nagpatupad ito ng one strike policy sa mga opisyal ng pulisya na hindi susunod sa kanyang kautusan. (Edwin Balasa)