Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sugod bahay na sa mga `di bakunado!

0 30

Nais ng Malacañang na palakasin ng mga lokal na pamahalaan ang house-to-house vaccination para maturukan ang mga hindi pa nabibigyan ng proteksyon laban sa coronavirus.

Sinabi ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na nakikita nilang magiging epektibo kung magbahay-bahay na ang mga lokal na opisyal para mabakunahan ang mga senior citizen at mga may comorbidity na walang kakayahang makabiyahe para makapunta sa mga vaccination center.

“Isa sa mga nakikita nating effective na ginagawa ng ibang LGUs ay `yong house-to-house na pagbabakuna. `Yong house-to-house campaign will be very effective kasi,” ani Nograles.

Marami pa rin aniya mga senior citizen na hindi bakunado lalo na sa labas ng Metro Manila kaya ito ang itinutulak na nila ngayon sa mga local government unit.

“Ang target natin senior citizens at mga vulnerable lalo na mga area na outside of NCR plus. Mayroon tayong mga kababayan na talagang mahihirapan silang lumabas, mahihirapan silang pumunta sa vaccination sites so kelangan talaga barangay per barangay `yan,” wika ni Nograles.

Naniniwala si Nograles na may kakayahan ang mga LGU na mag-schedule para magbahay-bahay sa pagbabakuna ng mga matatanda at may sakit kaya ipupursige nila ito.

Ilang LGU pa lamang aniya ang gumagawa nito kaya pag-uusapan sa mga susunod na araw sa Malacañang kung paano mapaigting na mabigyan ng proteksiyon laban sa COVID ang mga hindi pa bakunado.

“Kailangan reach out na lang tayo sa kanila,” ani Nograles.

SM SuperKidsDay Banner Ad

MMDA `di kasado sa plano

Malamig ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mungkahing gawing house-to-house ang pagbakuna laban sa COVID.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni MMDA chairman Benhur Abalos na may mga kaunting balakid sa mungkahing house-to-house vaccination.

“Wala hong problema kung iha-house to house natin, pero medyo sa ngayon ay matrabaho iyon at konti lang ang mababakunahan. Puwede naming gawin kung puno ang ating complement na manpower. Pero sa ngayon, sa ibang sites ay talagang nagkakasakit ang aming mismong nagbabakuna,” ani Abalos.

Sa ngayon aniya ay tututok muna sila sa mga vaccination center para mas marami ang mabakunahan lalo na at tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit dahil sa Omicron variant.

“Kaya kung ano ang meron kami noon na pagbabakuna ay ganon muna ang ginagawa namin. Although may ibang LGU na may sobra pa silang tao, kaya po nilang gawin `yong pagbabakuna. Pero may ilan na talagang tinatamaan din ng Omicron `yong kanilang mga kababayan,” dagdag ni Abalos.

Habang hindi pa nagagawa ang house-to-house vaccination, umapela si Abalos sa publiko na makipagtulungan at magkusa na lamang pumunta sa mga vaccination center kapag mayroon na silang schedule para na rin sa kanilang kaligtasan. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.