Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Suicide ‘wag isisi sa DepEd

0 141

Mukhang napuno na ang Department of Education sa walang puknat na pagbatikos sa implementasyon ng kanilang distance learning, lalo na sa mga akusasyon na wala namang basehan. Palibhasa kasi ay marami sa ating kababayan ay tambay lang sa bahay at mema as in memagawa lang ay magpo-post na sa social media ng kasiraan sa DepEd at sa administrasyong Duterte.

Ang nakalulungkot dito, sinasakyan pa ito ng mga makakaliwang grupo at progresibong kabataan para mabuwisit sa administrasyon ang taong bayan. Malas lang nila, mataas pa rin ang tiwala ng nakararaming Pinoy kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Nitong mga nagdaang linggo, naging viral sa social media ang ulat ng pagpapatiwakal ng dalawang estudyante dahil umano sa problema sa kanilang learning module. Pati na ang isang titser sa Leyte, nagbigti dahil umano sa depresyon.

Nanawagan tuloy ang DepEd sa publiko na huwag ikonek ang suicide ng mga estudyante at guro sa learning module. Nagsagawa kasi ng sariling pagsisiyasat ang ahensiya at base sa natanggap nilang ulat mula sa mga opisyal at miyembro ng pamilya, walang kinalaman ang modules at distance learning sa pagpapatiwakal ng mga biktima. Hindi ito chika o tsismis lang dahil may batayan ang ahensiya.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Naaawa daw ang ahensiya sa pamilya ng mga nagpatiwakal na estudyante at titser dahil namatayan na nga sila, ginagawan pa ng kuwento ang pagpapakamatay ng kanilang mahal sa buhay. Sana man lang daw, igalang ang pribadong buhay ng mga naulilang pamilya.

Sa mga alaskador: gayahin nyo na lang kaya ang ginawa ng DepEd na tahimik na kumikilos para mabigyan ng suporta at assistance ang mga naulilang pamilya. Makakatulong pa kayo sa pamilya kaysa puro satsat ang inyong gawin.

Balita ko, nakikipag-usap na rin ang ahensiya sa opisyal ng mga eskuwelahan, mga guro at estudyante para mabigyan sila ng kaukulang mental health at psychosocial services.

Hindi biro ang trabahong nakaatang sa DepEd para mairaos ang school year sa pamamagitan ng distance learning. Kinailangan nila itong gawin upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19. Pansamantala lang naman ito dahil darating din ang araw na babalik sa normal ang ating pamumuhay, pati na ang pag-aaral ng mga kabataan. (END)

Leave A Reply

Your email address will not be published.