Abante Tonite Interactive

Suki napundi, tindero ginilitan

By
2,492

Kalunos-lunos ang kamatayang inabot ng isang tindero ng isda matapos gilitan sa leeg at pagtatagain pa ng nakaaway niyang suki sa Barangay Dalahican, Lucena City, kamakalawa nang tanghali.

Halos mapugutan na ang biktimang si Rico Agarin Francisco, 55-anyos, na pinagtataga ng suspek na si Felix de los Santos Piano, 54-anyos, parehong naninirahan sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ng Lucena Police, bandang alas-11:30 nang tanghali nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa dahil sa inorder na isda ng suspek.

Sa sobrang galit, umuwi ang suspek sa kanyang bahay pero bumalik din ito kaagad na armado na ng itak. Sinugod ng suspek ang biktima na hindi na nakailag sa pag-atake sa kanya.

Matapos ang gina­wang pananaga ay mabilis na tumakas sa kanilang lugar ang suspek.

Isinugod naman sa ospital ang biktima pero idineklara itong dead-on-arrival ng doktor na sumuri sa kanya.

Naaresto rin kalaunan ng mga pulis sa Lucena ang suspek matapos ang isinagawang follow-up operation at kasalukuyan na itong nasa kustodya ng pulisya at sampahan ng kaso dahil sa ginawang krimen.