Abante Tonite Interactive

Sulit ang haba, pagod, hirap ng pagbiyahe

By
473

JAKARTA — Grabe, grabe po ang dinanas kong napakahirap, napakahaba at nakakapagod na pagbiyahe para mag-cover ng 18th Asian Games 2018 sa lungsod na ito at sa Palembang City, Indonesia noong Biyernes nang gabi.

Natengga kasi sa runway ang isang Chinese airline tapos sumadsad noong Huwebes nang gabi sa Ninoy Aquino International Airport Centennial Terminal 2 sa Pasay City.

Kaya sa halip na maka-takeoff ako ng alas-nuwebe nang gabi, na-delay ng 3 oras ang flight na Philippine Airlines PR 535. Alas-12:00 na kami nakalipad at dumating ng pasado alas-tres na nang madaling-araw sa Jakarta airport.

Mahaba-habang lakaran dahil dambuhala ang paliparan, ilang ak­yatan sa escalator at elevator, sakay ng shuttle para maka-connecting flight sa Garuda airlines para sa panibagong 1 oras na paglalakbay pa-Palembang naman.

Pagkababa ng Palembang airport, ilang minutong lakaran ulit at nag-LRT (train) mula Bandara hanggang Ja­kabaring at nag-bus pa-Jakabaring Sports City athletes village. Nag-shuttle pa-Main Press Center saka gumawa ng ilang istorya.

Nag-Grab bandang alas-otso nang gabi para maka-check in sa hotel at doon lang nakapagpahinga.

Ito na marahil ang pinakamahirap na biyahe ko sa mga nakoberan kong sports event.

Hindi gaya nu’ng 1997 at 2001 Korea Archery Open; 1998 Thailand King’s Cup World Sepak Takraw Championships; 1999 Brunei Southeast Asian Games at 2017 Malaysia SEA Games.

Biruin ninyo mula alas-sais nang umaga nu’ng Biyernes hanggang alas-siyete nang gabi ng Sabado wala akong tulog at naka-survive. Salamat po Diyos Ama!  

Pero sulit ang mahaba, mahirap at nakakapagod na paglalakbay ng inyong abang lingkod dahil ligtas tayong nakarating at mababait naman ang mga Indonesian.

Subaybayan po ninyo ang mga ulat natin sa Abante at Abante TONITE pati sa Abante TNT.

At dalangin natin ang tagumpay rito ng Team Pilipinas.