Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sulong Pasay

0 27

Isang grupo ng mga business leader sa bansa ang naglunsad ng socio-civic organization na Sulong Pasay.

Binubuo ang grupo ng mga kilala sa negosyo tulad nina PhilExport President Mr. Sergio Ortiz- Luis Jr., Ambassador Benedicto Yujuico (PCCI), at PhilExport Chairman George Barcelon na isa rin sa mga Board of Director ng BDO.

Kasama rin sa grupo sina PSE Chair at dating Trade Secretary Jose Pardo, dating Tourism Secretary Mina Gabor at iba pang respetadong mga negosyante na kung tawagin ay mga captains of the industry.

Sa isang tingin pa lang sa listahan ng mga pangalan ng bumubuo sa Sulong Pasay ay makikita mong punong-puno ng kredibilidad ang grupo.

Dahil Sulong Pasay, pangunahing layon nito na tulungan ang city government na makabangon mula sa matinding epekto ng pandemya.

Masasabi nating game changer ang grupo dahil ito ang kauna-unahang samahan ng mga negosyanteng inilunsad na walang ibang hangad kundi tulungan ang local government na makabangon sa kabila ng pandemya.

Ang pagtulong ay gagawin nila sa pamamagitan ng pagtayo ng mga dagdag na negosyo sa lungsod para makalikha ng mas maraming trabaho.

Makikipagtulungan din sila sa local government upang bumuo ng pangmatagalang plano at mahikayat ang mga local at foreign investor na maglagak ng kanilang mga puhunan sa lungsod.

Dahil sa magandang layunin ay todo-suporta rito si Mayor Emi Calixto-Rubiano sapagkat batid niya na malaki ang maitutulong ng grupo upang mas lalo pang mapabilis ang progreso ng kanilang siyudad.

Nabanggit nga ni PhilExport Chairman Barcelon sa isang panayam na ang ideya ng Sulong Pasay ay nakuha nila mula sa Sulong Pilipinas.

Tumutulong ang Sulong Pilipinas sa national government na mapatatag ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga negosyo at ang Sulong Pasay naman ay gagawin nila sa local level.

Saludo tayo sa magandang layuning ito ng Sulong Pasay lalo na’t dumami na naman ang bilang ng mga walang trabaho noong Abril na ayon sa datos ng gobyerno ay pumalo ang unemployment rate sa NCR sa 14.4 percent o 875K sa buwan ng Abril. Mas malala pa ito kumpara noong Abril 2020 na 12.3 percent lamang.

Kaya sinabi ni Barcelon na sa pamamagitan ng Sulong Pasay ay mas mapapabilis ang proseso ng pagnenegosyo sa siyudad na malaki ang maitutulong para mabawasan ang walang trabaho sa Metro Manila.

Idinagdag niya na dahil sa Sulong Pasay ay mas mapapabilis na ang coordination ng local government at city hall.

Kaugnay nito ay tiniyak ni Mayora Emi na handa ang city government na ibigay ang lahat ng suporta na kailangan ng mga negosyante.

Mga ganitong pagtutulungan ang kailangan ng bansa ngayong unti-unti nang bumabangon ang ekonomiya ng bansa dulot ng pinsalang dulot ng pandemya.

Kaya abangan natin ang magagandang tulong na hatid ng Sulong Pasay.

Leave A Reply

Your email address will not be published.