Abante Tonite Interactive

Sumablay si Duque

296

Puno ng pangamba ang lahat dito sa novel coronavirus (nCoV) dahil nadagdagan pa ang bilang ng mga namatay at parami ng parami ang nahawahan.

Sa Wuhan City, ­Hubei province sa ­China kung saan nagmula ang ­virus, 636 katao na ang namatay at libo-ibo na ang infected.

Dito sa atin, isa pa lang ang nakumpirmang nasawi at Chinese national pa ito na dumayo, bagama’t kahapon, isang person under investigation (PUI) ang namatay dahil sa sakit na pneumonia at wala pang test kung nasawi nga ito dahil sa nCoV.

Sa record na DOH, 215 ang mga PUI kabilang ang tatlong kumpirmadong kaso. Sa bilang ng mga PUI, 57 ang negatibo sa nCoV habang 155 ang naghihintay ng laboratory test result.

Hindi biro ito. Pero ginagawa naman ng gobyerno natin ang lahat ng hakbang para pagilan ang pagkalat nito.

Sa ngayon, nagkukumahog at nangangapa itong ating Department of Health (DOH) dahil hindi pa sila tapos sa contract tracing ng pasahero ng airline na nakasama ng Chinese national na namatay at nagpositibo sa nCoV.

Sa nagdaang pagdinig sa Senado, inamin ni Health Secretary Francis Duque III na 17 porsiyento lang mahigit 300 pasahero ang nahanap nila. Maliit na porsiyento kaya naman kinastigo siya ng ilang senador dahil sa mabagal na pagkilos ng DOH hinggil dito.

At dahil mabagal ang kilos ng DOH, medyo naantala rin ang Malacañang sa panawagan ng ilang mambabatas na magpatupad ng temporary travel ban sa mga biyaherong nagmumula sa China at sa dalawang administrative region nito – ang Macau at Hong Kong.

Aminin man ni Duque, talagang nagkulang at mabagal ang kanilang pagtugon sa banta ng nCoV. Di­syembre kasi pumutok ito at parang hindi naman sila masyadong naghanda pa rito kaya nga nakalusot ang Chinese couple na parehong nagpositibo sa nCoV.

Mukhang hindi na rin naabisuhan ni Duque si Pangulong Duterte sa estado ng virus kaya late na rin ang desisyon nitong mag-isyu ng temporary travel ban.

Pero mahina rin si Duque. Hindi ba’t milyong Chinese ang nagpupunta sa ‘Pinas dahil sa turismo at si­yempre karamihan sa kanila’y nagtatrabaho sa online gaming dito sa ating bansa?

Sana doon pa lang, naghanda nang mabuti ang DOH at iba pang ahensya ng gobyerno. ­Hinigpitan sana ang lahat ng paliparan at pantalan sa pagpasok ng mga traveller lalo na iyong mga galing sa Wuhan City kung saan nagmula ang virus.

Pero huli na kasi nga may nakapasok na sa Pilipinas. Nag-ikot pa sa ilang lugar sa Pilipinas kaya lahat ng mga nakasalamuha ng mga ito ay pinaghahanap hanggang ngayon para i-quarantine.

Kung hindi pa sinita sa imbestigasyon ng Senado, hindi bibilis ang contract tracing ng mga awtoridad. Ang nangyari kasi, finger pointing ito si Duque. Pero posible rin na walang siyang alam o maaaring pinagtataguan siya ng impormasyon kaya wala siyang alam.

Maraming pang gagawin ang DOH at iba pang mga ahensya ng pamahalaan para para mapigilan ang pagkalat ng nCoV.

Sa ngayon nasa ­Wuhan City na ang repatriation team ng Pilipinas para iuwi sa ating bansa ang 41 overseas Filipinos worker doon. Pagda­ting nila dito, sasai­lalim sila sa 14 araw na quarantine sa New Clark City sa Tarlac.

Sa ngayon, dasal rin natin na wala nang madagdag pa na kaso ng nCoV sa Pilipinas. Hindi biro ito dahil buhay nating lahat ang nakataya. Lord gabayan mo po kami.