Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sumagupa sa mambabarang

0 77

Mga ka-#Misteryo sadyang delikado rin kung nasa larangan ka ng paranormal tulad na lamang ng karanasan ni Ermilanio ng Bicol na tinira ng mambabarang.

Yan ang paksa natin ngayon: “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!”

Dumayo pa sa Leyte si Ermilanio para gamutin ang isang lalaking kinulam pero sadyang malakas ang mambabarang na nakasagupa niya na halos ikamatay niya.

Misteryo: “Ano bang nangyari sa lalaki at kailangan mo talaga puntahan sa Leyte. Talaga bang matindi ang kulam sa kanya?”

Ermilanio: “Namaga ng todo ang paa at may lumalabas na langaw, langgam at iba pang insekto. Pagkasabi pa lang sa akin ng ganun, alam kong barang yun.”

Misteryo: “So pinuntahan mo sa Leyte, anong nangyari? Napagaling mo ba?”

Ermilanio: “Alam kong matindi ang kalaban kaya nagtawag ako ng mga kakamping ispiritu. Noong una hinatak ko lahat ng masamang enerhiya sa katawan niya kasi nakita ko sobrang itim ng enerhiya sa biktima. Hanggang sa nakita ko unti-unting nagliwanag ang lalaki.”

Misteryo: “Habang ginagamot mo ba ang pasyente, nakita mong naglabasan ang mga insekto sa paa niya?”

Ermilanio: “Oo nakakatakot makita na lumalabas sa katawan ng tao ang mga insekto. Pero hindi ako natakot, sinagad ko ang aking enerhiya para tuluyang magamot ko ang lalaki kasi naaawa na ako sa pamilya niya. Hindi na normal ang buhay nila.”

Misteryo: “Nagamot mo ba? Nawala ba yung mga insekto at umimpis ang namaga niyang paa? Ano ang sabi ng mambabarang? Nakita mo ba siya habang ginagamot mo ang lalaki?”

Ermilanio: “Oo nakita ko siya. Galit na galit sa akin. Gagantihan daw niya ako. Nagamot ko yung lalaki.”

Misteryo: “Sabi mo tinira ka nga ng mambabarang, anong ginawa sayo?”

Ermilanio: “Pagbalik ko ng Maynila, hindi na niya ako pinatulog sunud-sunod na araw at yung kaliwang paa ko ang binarang niya, may mga insekto ding lumabas, nagkasakit ako pero nilabanan ko siya. Ibinalik ko sa kanya ang ginawa niya sa akin at yun Wala na siya ewan ko kung ano na nangyari sa kanya.”

Mahirap paniwalaan kahit moderno na ang buhay natin may ganito pa ring labanan ng kapangyarihan. Pero wag tayo matakot magtiwala lang tayo sa Poong Lumikha. Para sa inyong kuwentong karanasan, mag email sa misteryophilnet@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsibayan.com at abante.com.ph.

Leave A Reply

Your email address will not be published.