Abante Tonite Interactive

Sumukong heinous crime convict, 323 na

236

Umabot na sa 323 na mga presong nakalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang boluntaryong sumuko sa mga police station sa Metro Manila at sa mga lalawigan.

Base sa report ni Police Captain Sonny Del Rosario, tagapagsa­lita ng Bureau of Corrections (BuCor), sa kanilang tala ngayon ay nasa 323 heinous crime convicts na nakalaya sa pamamagitan ng GCTA Law ang sumuko na sa loob ng dalawang linggo.

Ang may pinakamarami aniyang sumuko ay sa Mimaropa na nasa 48, sinundan ng Caga­yan Valley na nasa 35, at 29 sa Central Visayas, batay sa record ng pulis­ya.

Base pa sa kanilang rekord, ang 101 bilanggo na napalaya sa GCTA Law ay pawang convic­ted sa kasong murder, 95 sa rape at 29 sa robbery with homicide.

Nauna nang iniha­yag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kinakaila­ngang sumuko sa loob ng 15 araw ang mga preso na nakalaya dahil sa GCTA Law.

Sinabi ni Del Rosario na inaasahang madadag­dagan pa ang nasabing bilang dahil halos araw-araw ay may mga lumalapit sa mga police station para sumuko.

Nilinaw naman ng tagapagsalita ng BuCor na hindi na ibinabalik sa selda o sa pinangga­lingang compound ang mga sumuko.

“May holding area po ang NBP (New Bilibid Prison) para sa kanila at doon sila maghihintay habang gumugulong ang imbestigasyon sa GCTA at kinukwentang muli ang kanilang sentensya,” ayon kay Del Rosario. (Armida Rico)