Abante Tonite Interactive

Sumunod tayo sa kumpas ng gobyerno

769

Mananawagan tayo sa ating mamamayan. Sa gitna ng ipinatutupad na community quarantine sa Kamaynilaan at mga karatig lalawigan, mangyaring sumunod na lamang tayo dahil ginagawa ng pamahalaan ang lahat para maiwasan ang pagkahawa sa COVID-19 ng mas maraming Pilipino.

Ang tunay na layunin ng quarantine ay ang pigilan ang paroo’t parito ng mga tao. Ginagawa ito upang hindi kumalat ang COVID-19 na maaaring magresulta sa maaaring pagdami ng mga kababayan nating binabawian ng buhay.

Kaugnay naman sa mga checkpoint, kung tayo’y pinipigilan, ‘wag na tayong umapela, umareglo at magpalusot sapagkat ang ating awtoridad ay tumatalima lamang sa kanilang mandato upang tulungan ang ating gobyernong masugpo ang pagkalat ng sakit. Ang ginagawa ng awtoridad ay para sa ating kapakanan kaya sumunod na lang tayo.

Sa pakikipagpulong ni DILG Secretary Eduardo M. Año sa lahat ng mayor sa Metro Manila, kanyang binanggit na base sa pagtaya ng World Health Organization ay inaasahang aabot sa 75,000 katao ang tatamaan ng COVID-19 sa bansa sa loob lamang aniya ng limang buwan.

Hindi biro ang numerong ito. Mahalagang iisa ang ating pagkilos upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa Kamaynilaan at sa buong bansa.

Tayo ay kasalukuyang nasa ilalim ng public health emergency. Kauna-unahan ito sa kasaysayan ng ating bansa. Kaya kailangan nating umakto nang naaayon sa polisiyang ipinatutupad ng gobyerno. Pakiusap, makipagtulungan po tayo.

Ugaliin na lang nating makinig sa mga pulong-balitaan at pinakahuling update na inilalabas sa mga telebisyon, radyo at iba pang social media platform ng gobyerno.

Ganunpaman, ma­kakaasa po ang lahat na ibubuhos natin ang talino’t panahon sa paglimbag ng polisiya at mga direktiba para iisa ang kumpas ng gobyerno tungo sa lubusang paggupo natin sa COVID-19.

Paulit-ulit din tayong nagpapaalala na maging responsable sa pagpapakalat ng balita.

Iwasan nating ibahagi ang fake news. May kaukulang kaparusahan ito sa ilalim ng umiiral na batas. Marami na ang nasampolan kaya huwag na nating dagdagan. Sumunod tayo, malalampasan natin ito.