Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sundalo inagawan ng mic namaril, 2 patay

0 208

Tumba ang dalawang katao nang barilin ng isang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nainsulto umano nang agawan ng mikropono habang kumakanta sa isang birthday party sa Bocaue, Bulacan Sabado ng hapon.

Kinilala ang inarestong sundalo na si Sgt. Bernardino Maitem Jr., 45, nakatalaga sa 18th SF Coy., Puerto Princesa, Palawan at nakatira Brgy. Batia, Bocaue. Binaril at napatay nito ang dalawang kapitbahay na nakilalang sina Antonio Geraldo, 47, at isang alyas ‘Putol’, 21, kapwa nagtamo ng tama ng bala sa katawan.

Base sa report ng pulisya, alas-2:30 Sabado ng hapon nang maganap ang insidente matapos na dumalo ang suspek at mga biktima sa birthday celebration ng kanilang kapitbahay sa AFP/PNP Housing sa nasabing barangay. Nasa gitna ng inuman at kantahan nang biglang agawin ng isang alyas Edgar ang mikropono sa sundalong suspek habang ito ay kumakanta kaya umuwi ito ng bahay.

Pagbalik ng suspek ay may dala na itong baril at nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at ni Edgar kasama pa si Geraldo. Nauwi sa suntukan at kaguluhan hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at binaril ang biktimang si Putol habang tumakbo naman si Geraldo ngunit hinabol ito ng sundalo at nang abutan ay dalawang beses binarily.

Mahaharap sa kasong murder ang suspek. (Jun Borlongan)

Leave A Reply

Your email address will not be published.