Abante Tonite Interactive

Sunod-sunod na ang turnover ng pabahay sa mga biktima ng Yolanda

480

Dalawang linggo makalipas nating guni­tain ang pananalanta ng bagyong Yolanda sa bansa noong 2013 sa mala­king bahagi ng Visayas, libo-libong pabahay na ang naipamahagi ng administrasyong Duterte sa mga biktima ng natu­rang bagyo. Ikinagagalak nating ibalita, na siyento porsiyento nang kumpleto at naipamahagi na natin sa mga benepisyaryo ang mga housing unit sa ilang bayan ng Iloilo, Antique, Aklan at Capiz.

Dinaluhan natin nitong Martes ang cere­monial turnover ng mga Yolanda housing unit para sa mga benepis­yaryo na ginanap sa Park Inn Hotel, Mandurriao, Iloilo City kung saan pormal nang iti­nurn-over ng NHA Region 6 ang 1275 housing unit sa Barotac Nuevo, Iloilo; 1,974 unit sa Culasi, Antique; 393 unit sa Altavas, Aklan; at 572 unit Panit-an, Capiz.

Nagpapasala­mat tayo sa determinasyon ng mga ahensya na tapusin ang mga proyektong ito. Pinapa­salamatan din natin ang mga lokal na pamahalaan at ang mga organi­sasyon ng mga biktima ng Yolanda. Dahil sa inyong pakikipagtulungan, nakita na natin ang bu­nga ng mahahabang pagpupulong, pakikipagkasundo at pagsasakripis­yo maitayo lamang ang mga proyektong pabahay na ito. Sa wakas, mabibigyan na rin natin sila ng magandang tirahan.

Pinagsisikapan ng ating gobyerno, sa utos na rin ni Pangulong Rod­rigo Duterte na bilisan ang pagpapagawa at pamamahagi ng pabahay sa mga biktima ng naturang kalamidad – na ating commitment sa Pangulo bilang chair ng Inter-Agency Task Force Yolanda.

Bilang tugon sa direktiba ng ating mahal na Pangulo, napabilis natin ang konstruksyon at nailipat na ang mga ito sa mga benepisyaryo. Mananatiling nakatuon ang ating atensyon sa pagpapatuloy ng mga itinatayong proyekto sa pakikipagtulungan ng mga ahensya, ng mga alkalde, ng mga biktima at iba pang mga stakeholder sa isinusulong nating ito.

Batay sa tala ng NHA, as of September 30, 2019, sa 117,203 na housing target para sa Region 6 ay nakumpleto na ang 83,644 unit at may ongoing pang 27,496 na mga bahay o katumbas ito ng 94.83% accomplishment rate.
Kung tayo lang ang masusunod, wala nang dapat magmana sa trabahong ito.

Sisikapin natin, sa abot ng ating makakaya, na lahat ng proyektong ito ay maipatatayo natin bago matapos ang aming termino. At naniniwala tayo, sa tulong ng ating mga local chief executive at mga regional agency, na mas mapapabilis pa ang ating trabaho.

Ang pagtitipon na ating dinaluhan ay araw ng pagpaparangal sa ating mga naging katuwang na ahensya gayundin sa mga lokal na pamahalaan na nagpamalas ng suporta sa proyekto at pasasalamat din sa mga benepisyaryo na aming inspirasyon upang mabigyan sila ng maayos, ligtas at disenteng tahanan sa mas mabilis na paraan.

Mapait man ang alaala ng nasabing delubyo, nagpapasalamat pa rin tayo sa mga aral na dala nito. Tungo sa ina­asam nating mas maayos na pamumuhay, matibay ang ating paniniwala na makakamtan natin ang pagpapala kung tayo ay nakikipagtulungan at nakikiisa sa mga ahensyang nanga­ngasiwa sa mga proyektong ito.

Mula ngayon, asahan na ng ating mga kababayang sinalanta ng bagyong Yolanda na sunod-sunod na ang gagawing pamamahagi ng mga pabahay sapagkat sisikapin ng Natio­nal Housing Authority na matapos na ngayong huling bahagi ng 2019 ang karamihan ng mga housing project kaugnay sa bagyong Yolanda bunsod na rin sa pagnanais ng ating Pangulo na sa taong 2020 ay maipamahagi na lahat ng mga ito sa mga biktima.