Abante Tonite Interactive

Sunog sa Davao, mag-uutol na paslit patay

223

Tatlong magkakapatid na bata ang iniulat na nasawi matapos sumiklab ang sunog kung saan aabot sa 25 kabahayan ang naabo kamakalawa sa bayan ng Mati, Davao Oriental.

Kinilala ang nasawing sina Amely Pearl Halipa, 10; Alicia Halipa, 8 at bunso nilang si Kirsh Heris Halipa, 3-anyos.

Sa panayam kay Fire Inspector Christian Cena, ng Bureau of Fire Protection ng Mati, Davao Oriental, sumiklab ang sunog dakong alas-11:30 nang gabi sa Brgy. Central, Purok 2, Sto. Niño 2 ng nasabing bayan.

Dahil sa gawa sa mga kahoy ang karamihang bahay ay mabilis na kumalat ang apoy sa bahay ng mga biktima kung saan iniwanang natutulog ang mga ito at walang kasamang matanda sa bahay.

Napag-alaman na pumapasok bilang masahista ang nanay ng mga biktima habang ang lola ng mga ito at dalawa pang apo ay natutulog naman sa ibang bahay.

Ayon kay Cena, naunang nailigtas ng lola ang dalawang apong kasama nito subalit nang balikan niya ang bahay kung saan natutulog ang mga biktima ay hindi na niya nakayanang makapasok dahil sa kapal ng usok.

Umabot sa ikalimang alarma ang sunog bago ito naideklarang fireout dakong alas-3:20 nang madaling-araw.

Doon na natagpuan ng mga bombero ang bangkay ng mga biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP Mati, umaabot sa 25 kabahayan ang natupok habang 50 pamilya o kabuuang 135 katao ang apektado ng sunog.
Patuloy na iniimbestigahan ang pinagmulan ng apoy.