Abante Tonite Interactive

Sunog sa Glorietta 2, aksidente lang

281

Aksidente ang nangyaring sunog sa Coco Milktea Shop na naganap kamakalawa nang gabi sa Glorietta 2, Ayala Center, Makati City.

Ito ang lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng Makati City Bureau Fire Protection.

Ayon kay FO2 Lester Batalla, arson investigator ng BFP, nag-acetylene cutting sila at pagsindi sa hose ay nagliyab hanggang sa nag-back fire at bumalik sa tangke na kung saan naroon ang acetylene.

At dito na nagliyab sa parte ng hagdanan kung saan sila nagkukumpuni.
Sinabi pa ni Batalla na tapos na ang kanilang isinagawang imbestigasyon na umabot lamang ng unang alarma.

Ayon pa sa imbestigador, ipinasusumite ng mga kaukulang dokumento ang may–ari ng Coco Milktea upang mabatid nilang may pahintulot silang magtayo ng nasabing establisimyento.

“Kailangan po namin makita yung mga dokumento para mabatid namin na legal ang kanilang pagpapatayo o business nila” ayon pa sa arson investigator.

Isang lalaki ang nagtamo ng minor injury na nakilalang si Raymund Tacderan, 37, ng Purok 5 Bugtong St., Lipa City matapos madapa nang magtakbuhan ang mga tao.

Magugunitang nag-panic ang libo–libong katao sa loob ng Glorietta 2 nang maganap ang sunog sa ground floor nito matapos tupukin ng apoy ang nasabing establisimyento. ­(Armida Rico)