Abante Tonite Interactive

Sunshine, araw-araw na LILIGAWAN ni Macky

123

KINIKILIG ang mga host ng morning show ng ABS-CBN 2 na sina Jolina Magdangal, Melai Cantiveros at Karla Estrada ng Magandang Buhay sa guesting ni Sushine Cruz kasama si Ara Mina kahapon.

Live ang naturang episode, at napag-usapan ang tungkol sa relasyon nina Sunshine at Macky Mathay na kapatid ni Ara.

Ikinuwento nila na nag-‘Hi” si Macky sa direct message sa Instagram account ng aktres.

Nagsimula raw iyun nang mag-post si Ara kasama si Sunshine.

Parang nagsilbing tulay si Ara kaya nagkaki­lala ang dalawa. Ayaw sanang pansinin iyun ni Sunshine dahil naalangan siya at baka hindi ito si Macky.

Pero sunud-sunod daw ang direct message nito, kaya pinakumpirma ito ni Sunshine kay Ara, at nakumpirma ng huli sa kanyang kapatid.

Doon nagsimula ang kanilang komunikasyon at sila na nga ngayon.

Nu’ng tinanong namin si Ara nang na-interview namin sa radio program namin na Showbiz Talk Ganern sa DZRH, nilinaw ni Ara na hiwalay na si Macky sa asawa, kaya okay lang na manligaw sa iba ang kanyang kapatid.

Si Sunshine naman ay nasa korte pa ang annulment case nila ni Cesar Montano.

***

Wala pang inaamin si Sunshine kung ano na talaga ang relasyon nila ni Macky, pero nakausap via phone patch interview ang huli at hiningan ito ng mensahe para sa aktres.

Hindi napigilan ni Karla na maluha dahil sobrang saya niya para sa kanyang kaibigan.

Inamin ni Macky na noon pa man ay crush na niya si Sunshine. Tingin niya, kaya siya nagustuhan ni Sunshine dahil nagpakatotoo lang siya.

Hindi niya akalaing makakakilala siya ng ganu’ng klaseng babae na kagaya ni Sunshine.

Hiningan ng mensahe si Macky para sa aktres at halos hindi na magkarinigan dahil sa nagtitilian at kinikilig ang mga hosts.

Sabi ni Macky; “Sigu­ro masasabi ko lang na nangyari ‘yung lahat… pero paulit-ulit ko na sinasabi sa kanya na madaling magsabi na mahal kita, pero ang na-promise ko lang sa kanya na araw-araw ko pa rin siyang liligawan.”

Hiningan naman ng sagot ang aktres.

Ani Sunshine, “Ayaw niya kasi na nagti-thank you ako eh. Everytime that I say ‘thank you, ang sweet niya, sobrang bait niya kasing tao, he always tell me ‘no thank you.

“Pero pagbigyan mo na muna ako ngayon when I tell you mara­ming-maraming salamat for being there for me, and ‘yun lang.

“Kasi siya kaoopera lang niya sa tuhod eh. Kahit kaopera niya lang, siya pa ‘yung magbubukas ng pinto ng kotse para sa akin, aalalayan pa rin niya ako. So, I really ­appreciate that.

“I’m just so grateful and happy na sinagot ko ‘yung message mo sa akin. Kaya ngayon ­masaya si Sunshine.”

***

Nakaayos-Julia Roberts si Paolo Ballesteros nang tinanggap niya ang Best Actor award sa Tokyo International Film ­Festival kahapon.

Nasorpresa ang mga kasamahan niya sa pelikulang Die Beautiful nang biglang lumabas siya ng stage para tanggapin ang award.

Ang buong­ akala nila, nasa Maynila si Paolo dahil sa Eat Bulaga.

Nagtitilian ang mga taga-Die Beautiful nang personal na tinanggap ni Paolo ang kanyang Best Actor trophy.

Aliw pa ang pagtawag ng winner na “the leading man or should I say the leading lady of the movie Die Beautiful,” bago tinawag ang pangalan ni Paolo.

As of presstime ay hinihintay pa namin ang mensahe ni Ferdy Lapuz na kasama sa delegation ng Die Beautiful na puwede na namin ma-interview sa Facebook si Paolo.

Nasa presscon pa raw ito at marami pa ang gustong mag-interview sa kanya.

Nakausap namin ang manager ni Paolo na si Joji Dingcong at masayang-masaya siya sa bagong achievement ni Paolo.

Doble-doble raw ang kasiyahan niya dahil bago raw niya natanggap ang balitang nagwagi ang alaga niya, good news pa raw ang nakuha niyang balita kay Mother Lily dahil malakas daw sa takilya ang The Escort.

Kaya pag-uusapan na raw nila ang dalawa pang pelikulang gagawin ni Derek Ramsay sa Regal Films.

Sobrang saya niya para kay Paolo dahil bago umalis ang grupo papuntang Japan, ramdam niyang magwawagi ang alaga niya.

Kaya hindi na raw siya sumama at baka atakihin daw siya sa sobrang nerbyos bago ang awarding.