Abante Tonite Interactive

Sunshine, Ynez, Dianne, Ara, Joross, Ketchup biktima ng scam

4,138

Matunog ang balitang biktima diumano ng scam sina Sunshine Cruz, Ynez Veneracion, Dianne Medina, Joross Gamboa, Ara Mina, Ketchup Eusebio atbp.

Naunang nag-post sa Facebook si Sunshine tungkol sa isyung ito pero nu’ng balikan namin ay na-delete na. Ayon sa source, ipinahawak na umano ni Sunshine ang kasong ito sa kanyang lawyer.

Sa presscon ng Ignite concert ni Regine Tolentino (May 26, 8 PM sa Skydome, SM North) ay nagsalita si Ynez. Isusumbong daw niya kay Raffy Tulfo ‘pag hindi ibinalik ang pera niya.

“Lahat kami…feeling namin parang na-scam kami,” bungad ni Ynez.

“Parang nanghingi siya ng investment, loading daw o kaya pinapautang daw sa mga OFW sa Brunei, hindi namin alam kung totoo ‘yun. Kasi nu’ng una ang bait niya, galante, reregaluhan ka ng kung anu-ano dadalhin kung saan-saan so, napaka-generous namang tao talaga kaya talagang maniniwala ka pero hindi mo alam padama pala lahat ‘yun,” dagdag pa ni Ynez.

Paglilinaw pa ni sexy actress, 6% daw ang tubo sa perang ininvest niya. Nu’ng una okey raw ang pagbayad sa kanya pero nu’ng bandang huli ay naaantala na.

Ano ang mensahe ni Ynez?

“Bayaran na sana niya ang pinagkakautangan niya. Ang message ko noon sa kanya sa Viber, lahat ay ayusin niya. Kasi ‘pag lahat ay nagsama-sama at sumabog ang pangalan niya nakakahiya. Sayang, ang ganda pa naman ng image niya,” deklara ni Ynez.

Tinanong namin ang kampo ni Joross Gamboa pero ang sagot ay ayaw na nilang ma-stress. Ayaw na rin daw nilang sumali sa pag-file ng kaso, pinapasa-Diyos na lang nila.

Ayon naman kay Dianne Medina, tatanungin daw muna niya ang kanyang lawyer kung puwede na siyang magsalita. ‘Pag may go signal na raw ang abogado niya ay saka siya magbibigay ng detalye. Bukas ang panig ng Abante Tonite sa taong binabanggit nila kahit hindi pa siya pinapangalanan.