Abante Tonite Interactive

Super party na ang HNP

By
0 163

Hugpong ng Pagbabago (HNP) ang partido politikal ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na una nang binatikos ni dating Speaker Pantaleon Alvarez na pagrerebelde sa PDP-Laban na partido ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte.

Totoo namang may pagka-rebelde si Sara Duterte kung kaya hindi umubra ang patutsada sa kanya ni Alvarez at sa halip ay siya mismo ang nanguna para patalsikin si Alvarez bilang pinuno ng House of Representatives.

Kaya hindi nakakapagtaka kung madali para kay Sara Duterte na kumuha ng mga kaalyadong partido ng kanyang HNP dahil ang mga lider ng mga partido politikal din ang kanyang mga kinausap para gawing speaker si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kapalit ni Alvarez.

Abante Hiring – IT dep

Noong Agosto ay nakipag-alyansa na ang Hugpong ng Pagbabago sa tatlong malalaking partido na kinabibila­ngan ng Nacionalista Party (NP) ng mga Villar; National People’s Coalition (NPC) ng mga Cojuangco at National Unity Party (NUP).

Hindi rin nagpahuli si Ilocos Norte Governor Imee Marcos at nakipagalyansa rin sa HNP ang kanyang Ilocano Timpuyog na siyang lokal na partido ng mga Marcos sa Ilocos Norte. Kabilang si Imee Marcos sa senatorial slate ng HNP.

Nakipag-alyansa na rin sa HNP ang Serbisyo sa Bayan Party (SBP) na partido politikal ng mga Belmonte sa Quezon City; Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas–CMD) na pinamumunuan ni Leyte (1st District) Rep. Ferdinand Martin “FM” G. Romualdez at Alyansa Bol-anon Alang sa Kausaban (ABAKA) sa Bohol.

Related Posts

Noong Lunes ay nabuo na rin ang al­yansa ng HNP sa Pu­wersa ng Masang Pilipino (PMP) ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Nakipag-alyansa rin ang HNP sa People’s Reform Party (PRP) ng ­yumaong senador ­Miriam Defensor-Santiago at kung saan tumatakbo bilang senador si dating presidential spokesmans Harry Roque.

Hindi nga lang malinaw kung may alyansa ang HNP sa PDP-Laban na pinamumunuan ni Senador Koko Pimentel bilang taga-pangulo at dating Speaker Alvarez bilang secretary-general ng partido.

Pero lumilitaw ngayon na isang “super party” ang Hugpong ng Pagbabago ni Sara Duterte dahil lahat halos ang partido politikal ay nakopo na nito maliban sa Liberal Party ng mga dilawan.

Sinabi ni Sara Duterte na ang pangunahing layunin ng HNP sa pakikipag-alyansa sa ibang partido politikal ay para matiyak ang panalo ng senatorial line-up ng administrasyon kontra sa mga kandidato ng LP na tumatakbo sa ilalim ng Opposition Koalisyon (OK).

“Ang intent ng Hugpong ng Pagbabago with alliances is to make friends with everybody around the country and request our friends to support a common senatorial line up for the 2019 senatorial elections. Hopefully, if these candidates win… they will in turn help the Pre­sident for the remaining three years of his term until 2022,” paliwanag ni Sara Duterte.
.
Ang nakakatawa lang sa senatorial slate ng HNP ay sobra sa 12 ang mga kandidatong ineendorso kung saan kabilang sina Senador Cynthia Villar, Koko Pimentel at Sonny Angara; mga dating senador Jinggoy Estrada, JV Ejercito, Bong Revilla at Pia Ca­yetano; Maguindanao Rep. Zajid Mangudadatu; Ilocos Norte Gov. Imee Marcos; former Bureau of Corrections chief Ronald dela Rosa; former Special Assistant to the President Bong Go; former presidential spokesman Harry Roque; former political affairs adviser Francis Tolentino at dating GMA news reporter Jiggy Manicad.

Kung super party ang HNP, super slate din ang kanilang senatorial candidate dahil 14 lahat ang mga kandidatong sinusuportahan ni Sara Duterte gayung 12 lang ang puwedeng iboto at manalo sa eleksyon sa Mayo 2019. ‘Yan ang problema ng super party na HNP.